Nagsagawa ang Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), katuwang ang Department of Agriculture Regional Field Office 02 - Organic Agriculture Program, ng tatlong araw na Participatory Guarantee System (PGS) Coaching and Mentoring para sa mga miyembro ng Soil Regenerative Advocates of Cagayan Participatory Guarantee System, Inc. (SRACPGSI) noong May 27–29 sa Lal-lo Multi-Purpose Center, Lal-lo, Cagayan.
Dinaluhan ito ng 16 na miyembro ng SRACPGSI ang nasabing pagsasanay na naglalayong ihanda ang samahan para sa kanilang aplikasyon bilang isang Organic Certifying Body (OCB)—isang mahalagang pagkilala na magbibigay kakayahan sa organisasyon na magsagawa ng certification ng mga organic producer alinsunod sa pambansang pamantayan.
Sa ilalim ng Organic Agriculture Act of 2010 na inamyendahan ng Republic Act No. 11511 taong 2020, kinikilala ang Participatory Guarantee System bilang isang mahalagang mekanismo upang mapalawak ang access ng maliliit na magsasaka sa organic certification. Sa pamamagitan nito, mas napapalakas ang tiwala ng mga mamimili habang nabibigyan ng mas magandang oportunidad sa merkado ang mga organic producers.
Bilang bahagi ng coaching at mentoring, nagbigay ng masusing teknikal na gabay ang Regional Pre-Assessment Team (RPAT) sa mga kalahok hinggil sa farm operations, record keeping, documentation systems, at iba pang accreditation requirements. Tinalakay rin ang mga kinakailangang paghahanda para sa office audit at witness audit bilang bahagi ng proseso ng accreditation.
Upang higit na matiyak ang kahandaan ng organisasyon, nagsagawa rin ang RPAT ng pre-inspection sa dalawang farm sites sa Lal-lo na nakatakdang sumailalim sa witness audit. Sinuri ng grupo ang kasalukuyang kalagayan ng mga sakahan at nagbigay ng mga rekomendasyon upang higit na mapaigting ang pagsunod sa mga pamantayang itinakda ng Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS).
Ayon kay Josephine A. Acebedo, ang Municipal Agriculturist ng nasabing bayan, malaking bagay ang patuloy na pagtutulungan ng iba't-ibang ahensya at stakeholder upang maisakatuparan ang layuning maging ganap na Organic Certifying Body ang SRACPGSI. “Nagpapasalamat po ang Municipality of Lal-lo sa ATI-RTC 02 at DA Regional Field Office 02 sa pagsasagawa ng activity na ito. Dahil sa inyong suporta at gabay, malapit na nating makamit ang ating layunin na maging isang Organic Certifying Body. Maaaring may mga pagkakataon na nagkaroon tayo ng hindi pagkakaunawaan, ngunit nananatiling iisa ang ating layunin—ang tagumpay ng ating samahan at ang kapakanan ng ating mga organic farmers,” ani Acebedo.
Para naman sa mga kalahok, higit pa sa isang pagsasanay ang isinagawang coaching at mentoring. Ito rin ay naging pagkakataon upang mapalalim ang kanilang kaalaman sa mga pamantayan at proseso na kinakailangan upang mapanatili ang integridad ng organic certification system. Ayon kay Joseph M. Lapitan, miyembro ng SRACPGSI, napakahalaga ng tuloy-tuloy na suporta ng ATI at ng Regional Pre-Assessment Team sa paghubog ng kanilang organisasyon. “Napakalaking tulong ng mga pagsasanay na tulad nito upang mapalawak ang aming kaalaman sa organic farming at mapanatiling napapanahon ang aming pag-unawa sa mga pamantayan at proseso ng Participatory Guarantee System. Nawa’y magpatuloy pa ang mga ganitong training upang lalo naming mapaunlad ang aming kakayahan at mapanatili ang pagsunod sa aming internal standards,” aniya.
Ibinahagi rin ni Eric Glenn A. Florendo, PGS member, na naging napapanahon at mahalaga ang pagsasanay para sa mga organisasyong nagsusulong ng organic at regenerative agriculture. “Mas lumawak ang aming pag-unawa sa participatory certification, wastong pagtatala ng mga rekord, pamamahala ng samahan, at pagsunod sa mga pamantayan ng organikong pagsasaka. Malaki ang maitutulong ng mga kaalaman at kasanayang aming natutunan upang higit naming mapatatag ang pagsusulong ng sustenable at responsableng mga gawaing pang-agrikultura sa aming komunidad,” ani Florendo.
Samantala, nagpahayag ng kumpiyansa ang mga kalahok na mas handa na ngayon ang kanilang organisasyon sa mga susunod na yugto ng accreditation process. Higit sa lahat, inaasahan nilang magiging daan ito upang higit pang mapalawak ang produksyon ng ligtas, masustansya, at environment-friendly na pagkain habang pinatitibay ang kabuhayan ng mga organic farmers sa Cagayan Valley.
Sa patuloy na paglago ng demand para sa organic products sa bansa, ang mga inisyatibang tulad nito ay hindi lamang nagbubukas ng bagong oportunidad para sa mga magsasaka kundi nagsisilbi ring mahalagang hakbang tungo sa isang matatag na sistema ng agrikultura para sa susunod na henerasyon.