Tue, 06/30/2026 - 10:44

Isusulong ng mga magsasaka sa Baggao, Cagayan ang paggamit ng sustainable na pamamahala ng peste matapos ang tatlong araw na Training on Integrated Pest Management (IPM) in Rice Production, noong June 22–24, 2026, sa Barangay San Jose, Baggao, Cagayan, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), at Local Government Unit (LGU) ng Baggao.

IMG_0834.JPG

Tinalakay sa tatlong araw na aktibidad ang mga concept at principles ng Integrated Pest Management, pamamahala sa pangunahing sakit ng palay, mga insektong peste, daga, golden apple snail, at mga damo sa palayan. Kabilang din sa mga paksa ang ecological engineering, nutrient-pest interaction, ligtas na paggamit ng pestisidyo, at iba pang teknolohiyang naglalayong mapanatili ang balanseng ekolohiya habang pinapabuti ang produksyon ng palay.

Nagkaroon din ng mga talakayan tungkol sa sabayang pagtatanim, paggamit ng ICT-based resources and tools, at iba pang digital tools na tumutulong sa pagsubaybay at pamamahala ng peste.

Ayon kay Romeo C. Reyes ng Hasanan Irrigators Agrarian Reform Cooperative, nagdulot sa kanya ng bagong kaalaman ang pagsasanay sa kabila ng una niyang pag-aalinlangan na dumalo dahil sa kanyang abalang iskedyul. Aniya, malinaw at interaktibo ang mga naging talakayan ng mga resource person kaya naging mas madali para sa mga kalahok na maunawaan ang mga konsepto at aktibong makibahagi sa mga gawain. Umaasa rin siyang mas marami pang katulad na pagsasanay ang maihatid sa mga magsasaka. "Hindi ko pinagsisihang dumalo dahil marami akong natutuhan sa Integrated Pest Management, at umaasa akong mas marami pang ganitong pagsasanay ang maihahatid sa mga magsasaka," ani Reyes.

Para naman kay Wilma A. Villanueva ng Carupian Tulong-Tulong Agrarian Reform Cooperative, ang aralin tungkol sa ecological engineering ang isa sa mga pinakatumatak sa kanya dahil sa pagbibigay-diin nito sa paggamit ng mga likas na pamamaraan sa pamamahala ng peste at pangangalaga sa mga kapaki-pakinabang na organismo sa bukirin. Sinabi rin nito na mahalagang maibahagi ng bawat kalahok ang kanilang mga natutuhan sa kapwa magsasaka upang mas maraming komunidad ang makinabang sa mga ligtas at napapanatiling pamamaraan sa produksyon ng palay. "Malaki ang naitulong ng pagsasanay, lalo na sa pag-unawa sa ecological engineering at paggamit ng mga likas na pamamaraan sa pamamahala ng peste para sa kalusugan ng tao at pangangalaga sa kalikasan," ayon kay Villanueva.

IMG_0875.JPG

Samantala, dinaluhan nina Municipal Mayor Leonardo C. Pattung, Municipal Agriculturist Ghiner E. Manding, at si Jei-ar M. Limos, Development Management Officer I ng ATI-RTC 02, ang closing program ng nasabing pagsasanay.

Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Mayor Pattung sa ATI-RTC 02 sa patuloy nitong suporta sa mga magsasaka ng Baggao at hinikayat ang mga kalahok na isabuhay at ibahagi ang kanilang mga natutuhan upang higit pang mapaunlad ang produksyon ng palay sa kanilang mga komunidad.

IMG_0696.JPG

article-seo
bad