"Marami kaming natutunan at gagawin namin ito sa aming mga palayan." Ito ang naging pahayag ni Barangay Kagawad Michelle Acorda ng Barangay Lalafugan matapos dumalo sa Technical Briefing on Brown Planthopper (BPH) Management na dinaluhan ng 51 magsasaka noong June 25, 2026, sa Barangay Bicud, Lal-lo, Cagayan.
Ang mga kalahok ay mula sa mga barangay ng Bicud, Lalafugan, Logac, at Cabayabasan, sa nasabing bayan. Ang unang isinagawang technical briefing ay kasunod ng naranasang pagkalugi ng mga magsasaka sa nakaraang taniman dahil sa pag-atake ng brown planthopper o ulmog.
Nagpasalamat din si Barangay Kagawad Ederlina Alicuben ng Barangay Logac sa mga nagsagawa ng briefing at hinikayat ang kapwa magsasaka na isabuhay ang kanilang mga natutuhan upang maiwasan ang mga pinsalang dala ng BPH.
Dagdag naman ni Manuel Mayormita ng Barangay Bicud na mas naging malinaw sa kanya ang mga dapat at hindi dapat gawin sa pamamahala ng brown planthopper. Aniya, mahalagang maisabuhay ng mga magsasaka ang mga natutuhan upang maprotektahan ang kanilang pananim at maiwasan ang pagkalugi.
Ayon kay Acorda, malaking tulong ang isinagawang briefing dahil nabigyan ang mga magsasaka ng mga kaalamang maaari nilang gamitin upang maiwasan ang muling pag-atake ng brown planthopper sa kanilang mga palayan.
Samantala, pinangunahan ng mga eksperto mula sa Department of Agriculture–Regional Crop Protection Center (DA-RCPC) ang mga talakayan tungkol sa Integrated Pest Management sa produksyon ng palay, kabilang ang pagkilala sa brown planthopper, life cycle nito, mga sintomas ng pinsala, at tamang pamamaraan ng pagsubaybay sa bukid.
Nakiisa rin sa aktibidad si Municipal AgriculturistJosephine A. Acebedo, na nagpahayag ng suporta sa mga programang naglalayong palakasin ang kaalaman ng mga magsasaka at isulong ang napapanatiling produksyon ng palay.