Fri, 07/03/2026 - 10:06

Nagtapos ng kanilang internship sa Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), kahapon, July 2, 2026, ang dalawang estudyante mula sa Mariano Marcos State University (MMSU)-Ilocos Norte at University of Perpetual Help System (UPHS) Cauayan City Campus, na parehong nakapag-ambag sa mga information technology at communication initiatives na patuloy na pakikinabangan sa operasyon ng ahensiya.

Kinilala sa isinagawang Exit Program sina Lowell Augusteen Cabie, isang 3rd year Computer Science student ng MMSU-Ilocos Norte, at Dharwynn Karl "DK" Marquez isang 3rd year Mass Communication student ng UPHS Cauayan City Campus, bilang pagkilala sa kanilang mga naging ambag at matagumpay na pagtatapos ng mahigit isang buwang internship na nagsimula noong June 1, 2026.

Sa kanilang pananatili sa ATI-RTC 02, pinangunahan ni Cabie ang pagbuo ng kauna-unahang Gender and Development (GAD)  website ng ATI Region 02 at ang pagde-develop ng Vehicle Request System, habang naging bahagi naman si Marquez ng field documentation, pagsusulat ng mga balita at feature stories, pagdokumento ng mga success story ng mga magsasaka, at pag-edit ng IEC materials.

42e4eb84-8a16-4f9e-87ae-2bc2ae5c9c29.jpg

Dumalo sa programa sina ATI-RTC 02 Center Director Dr. Claris Marayag-Alaska, Information Services Section (ISS) Chief Vladimir B. Caliguiran, Partnerships and Accreditation Section (PAS) Chief Dr. Mauriean Turingan, OJT Coordinator Kathlyn Oliviaga, UPHS OJT Coordinator Cezar A. Galasi, Academic Coordinator Ms. Rosalie S. Cristobal, at iba pang kawani ng ATI Region 02.

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni ATI-RTC 02 Center Director Dr. Claris Marayag-Alaska ang kanyang pagmamalaki sa naging ambag ng dalawang interns sa mga programa ng ahensya. Ayon kay Dr. Alaska, malaking tulong sa ATI ang mga sistemang binuo ni Cabie, lalo na ang kauna-unahang GAD website at ang Vehicle Request System na inaasahang magpapahusay sa operasyon ng tanggapan.

"This is the very first GAD website in the entire ATI network, and we are proud that it started here in Region 02 because of Lowell. Malaking bagay din sa amin ang vehicle request system na kanyang dinevelop," ani Dr. Alaska.

Pinuri rin niya si Marquez sa ipinakitang dedikasyon sa Information Services Section, partikular sa pagsama sa mga field activities, pagdodokumento ng mga programa, pag-iinterbyu sa mga magsasaka, at pagsusulat ng iba't ibang communication materials.

Hinikayat din ni Dr. Alaska ang dalawang interns na ipagpatuloy ang paglinang sa kanilang kakayahan, karakter, at propesyonalismo habang naghahanda sa kanilang magiging karera.

bb16de99-fde5-430b-bd0c-8b70a9cc6d38.jpg

Nagpasalamat naman si Ms. Rosalie S. Cristobal, Academic Coordinator, College of Arts and Education ng UPHS Cauayan City Campus, sa ATI-RTC 02 sa patuloy nitong pakikipagtuwang sa kanilang institusyon sa pagbibigay ng makabuluhan at organisadong internship experience para sa kanilang mga estudyante.

"I would like to express my heartfelt gratitude to ATI as our valued partner institution for graciously accommodating our student interns and for providing them with a meaningful, structured, and enriching on-the-job training experience," ani Cristobal.

Binati rin niya sina Cabie at Marquez sa matagumpay nilang pagtatapos ng internship at hinikayat ang mga ito na dalhin ang mga natutunang aral, pagpapahalaga, at karanasan sa kanilang magiging propesyon. "Always remember that success is not measured by how fast you reach your goals, but by the dedication, perseverance, and integrity you show along the journey. Keep believing in yourselves and never stop learning," dagdag ni Cristobal.

34885584-7a2e-49ba-8735-70a310e31b35.jpg

Samantala, sinabi ni UPHS OJT Coordinator Cezar A. Galasi na patuloy nilang pinipiling ipadala sa ATI-RTC 02 ang kanilang mga communication students dahil sa natatanging exposure na naibibigay nito sa sektor ng agrikultura.--

Ibinahagi niya na may mga nagtatanong kung bakit sa isang agriculture agency nila ipinapadala ang kanilang mga Mass Communication students. Aniya, naniniwala siyang kailangang maunawaan ng isang mahusay na mamamahayag ang kalagayan ng mga magsasaka dahil repleksiyon ito ng kalagayan ng bansa.

Ayon kay Galasi, napatunayan nila ang naging epekto ng internship nang ang kanilang mga dating interns ay mas piniling gumawa ng mga balitang tumatalakay sa mga magsasaka sa kanilang kasunod na deployment sa isang media organization. "Palagi silang naghahanap ng mga kuwento tungkol sa mga magsasaka dahil mas naintindihan nila ang kanilang mga kuwento noong nasa ATI sila," ani Galasi.

Ibinahagi rin niya ang malaking pagbabago na kanyang nakita kay Marquez. "Nagulat ako sa transformation ni DK. Dati ay hindi siya ganoon kaseryoso sa ilang activities, pero pagdating niya sa ATI, nakita namin ang malaking pagbabago. Mayroong espesyal sa organisasyong ito na nagbibigay ng inspirasyon sa mga estudyante," dagdag niya.

Sinabi rin ni Galasi na magpapatuloy ang UPHS sa pagpapadala ng kanilang mga interns sa ATI-RTC 02 hangga't patuloy silang tatanggapin ng institusyon.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Marquez na isa sa pinakamahalagang bahagi ng kanyang internship ang pagsama sa mga field visit, pagdodokumento ng mga kuwento ng mga magsasakang nakinabang sa mga programa ng ATI, at pagsusulat ng mga balita at feature stories.

Aminado siyang naging malaking hamon sa simula ang pagsusulat ng mga artikulo, ngunit nalampasan niya ito sa tulong ng paggabay ng Information Services Section. Aniya, naging madali rin ang kanyang pananatili sa opisina dahil itinuring siyang bahagi ng ATI family at hindi lamang bilang isang intern.

Samantala, ibinahagi naman ni Cabie na higit pa sa kanyang kursong Computer Science ang kanyang natutunan sa ATI-RTC 02. Bukod sa pagbuo ng computer-based systems, nagkaroon din siya ng pagkakataong tumulong sa paggawa ng Balitang Agri, multimedia production, at iba pang communication outputs na nagpalawak sa kanyang kakayahan.

Bilang supervisor ng dalawang interns, pinasalamatan ni Information Services Section Chief Vladimir B. Caliguiran sina Cabie at Marquez sa dedikasyon at propesyonalismong kanilang ipinakita sa buong panahon ng kanilang internship.

8183bbb4-46ea-47e1-91bf-27da5137a974.jpg

Ayon kay Caliguiran, hindi kailanman nagreklamo ang dalawa sa anumang gawaing ipinagkatiwala sa kanila. Sa halip, mabilis at mahusay nilang natapos ang bawat tungkulin at nagpakita ng inisyatiba sa bawat proyektong kanilang hinawakan.

Sa pagtatapos ng kanilang internship, hindi lamang mga oras ng pagsasanay ang kanilang natapos kundi mga proyektong magpapatuloy na pakinabangan ng ATI-RTC 02 at mga karanasang magsisilbing matibay na pundasyon sa kanilang pagpasok sa kani-kanilang mapipiling trabaho sa hinaharap.

article-seo
bad