Mon, 06/29/2026 - 12:38

Binuo ang 31 magsasaka na lumahok sa tatlong araw na Training on Mushroom Production ng Reina Mercedes Mushroom Growers' Association sa pagtatapos ng kanilang pagsasanay noong June 25, 2026, sa New Public Market, Reina Mercedes, Isabela, bilang hakbang upang sama-samang isulong ang produksyon ng kabute at maisabuhay ang mga kaalamang kanilang natutuhan.

Nahalal bilang lider ng samahan si Pedro L. Bassig Jr., na hinikayat ang mga kasapi na isagawa sa kani-kanilang tahanan ang mga natutunan sa pagsasanay "Nakaka- excite ang Mushroom, lalo na kung pano gawin. Napaka- challenging ito pero kung may tiyaga, magkakaroon ka ng napakagandang ideya. Kaya naman, sa mga kasama kong nagsanay sa araw na to nagpapasalamat po ako dahil ako ang pinili niyong maging leader ng Reina Mercedes Mushroom Growers’ Association. Ang aking hinihiling lang ay ang inyong kooperasyon at  teamwork dahil kapag walang teamwork ang isang organization ay hindi mabubuo," ani Bassig.

IMG_2584.JPG

Isinagawa ang pagsasanay mula June 23 hanggang 25 sa pangunguna ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), at Lokal na Pamahalaan ng bayan ng Reina Mercedes. Pinangunahan naman ng DA-Regional Crop Protection Center sa pagtuturo sa produksiyon ng kabute.

Sa pagbubukas ng programa, hinikayat ni ATI-RTC 02 OIC Assistant Center Director Vladimir B. Caliguiran ang mga kalahok na bumuo ng isang samahan matapos ang pagsasanay upang magkaroon ng organisadong grupo na magsusulong ng mushroom production sa bayan.

Sa loob ng tatlong araw, tinalakay ng mga eksperto ang wastong produksyon ng oyster at Volvariella mushroom, kabilang ang paghahanda ng substrate, paggawa ng fruiting bags, sterilization, inoculation, at pagpaparami ng mushroom spawn. Nagsagawa rin ang mga kalahok ng hands-on activities upang maisabuhay ang mga teknik na kanilang natutuhan.

IMG_2610.JPG

Bilang panimulang kagamitan sa kanilang sariling produksyon, nag-uwi ang bawat kalahok ng mushroom spawn at mga inoculated fruiting bag na sila mismo ang naghanda.

Ayon kay Joevelin G. Cabe ng Barangay Banquero sa nasabing bayan, naging mahalaga ang pagsasanay dahil natutuhan nila ang tamang paghahanda ng substrate, paggawa ng fruiting bags, sterilization, at pagpaparami ng mushroom spawn. "Marami po kaming natutunan," ani Cabe, na nagpasalamat din sa ATI-RTC 02 at sa mga katuwang na ahensiya sa pagsasagawa ng pagsasanay.

Sinabi naman ni Rosario B. Valdez ng Barangay Santor na ibabahagi niya sa kanyang mga kabarangay ang mga kaalamang natutuhan sa pagsasanay upang mahikayat silang magsimula ng backyard mushroom production. "Maaaring ibabahagi namin ito sa aming mga kabarangay o kapitbahay para magkaroon din sila ng backyard mushroom," ani Valdez.

IMG_2617.JPG

Samantala, ayon sa Department of Agriculture (DA), ang mga organisadong farmer at fisherfolk enterprises ay mas madaling maiugnay sa mga pamilihan, institutional buyers, at iba pang agribusiness support services dahil sa ilalim ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Information System (FFEDIS) ng DA, ang mga rehistradong farmers' at cooperatives' associations ay maaaring maikonekta sa mga programa ng pamahalaan, mga inisyatiba ng pribadong sektor, at mga oportunidad sa financing. Kaya naman, inaasahang magiging daan ang pagbuo ng asosasyon upang higit na mapalakas ang pagtutulungan ng mga mushroom grower sa bayan ng Reina Mercedes, kung maipagpapatuloy nila ang pormal na pagbuo ng kanilang samahan.

article-seo
bad