“Maraming salamat sa ATI, dito namin naranasan ang home away from home. Hindi lang busog ang tiyan namin, pati utak namin busog sa bagong kaalaman,” pahayag ni Ms. Dauphine N. Alviar, beneficiary ng Gulayan sa Bayan (GSB) program mula Ballesteros, Cagayan, sa pagtatapos ng tatlong-araw na pagsasanay na isinagawa ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), Malasin, San Mateo, Isabela, noong Oktubre 27–29, 2025.
Sa pagsasanay, binigyang-diin ni Ms. Bethzaida B. Duruin, ng DA-RFO 02, ang kasalukuyang kalagayan ng industriya ng gulay sa Rehiyon 2, kabilang ang mga hamon at oportunidad sa merkado. Ayon sa kanya, ang pagtatanim ng gulay ay dapat tingnan hindi lamang bilang mapagkakakitaang kabuhayan, kundi bilang pangunahing hakbang sa pagpapabuti ng nutrisyon sa mga komunidad.
Samantala, tinalakay ni Ms. Noemi O. Valdez hinggil sa Vegetable Seedling Production and Management, kung saan tinalakay nito ang wastong pagpili ng de-kalidad na binhi, paghahanda ng punlaan, at tamang pangangalaga ng punla.
Kabilang sa mga hands-on activities ang paghahanda ng soil growing media, seed sowing, at pricking. Ipinaliwag din ni Valdez ang mga proseso sa vegetable seed production gaya ng pagpili ng variety, pollination control, rouging, at post-harvest handling upang mapanatili ang seed purity at viability.
Tinalakay naman ni Ms. Minda Flor M. Aquino ng DA-RCPC ang Integrated Pest Management (IPM), na nagbigay-diin sa paggamit ng ligtas, ekolohikal, at alternatibong pamamaraan sa pagkontrol ng peste upang mabawasan ang paggamit ng mga kemikal na pestisidyo.
Sa huling araw ng pagsasanay, isinagawa ang vegetable grafting demonstration kung saan aktibong lumahok ang mga kalahok sa aktwal na proseso ng grafting. Ang teknik na ito ay layuning mapataas ang resistensya ng halaman laban sa mga sakit at mapabuti ang produksyon.
Para kay Ms. Marina A. Acebedo ng Lallo, Cagayan, ang pagsasanay ay nakapagbigay ng panibagong kaalaman sa mga magsasaka.“Bagama’t may karanasan na ako sa grafting, napalalim pa ng training na ito ang aking pang-unawa at nagbigay ng bagong pananaw sa aplikasyon nito.”
Ayon kay Mr. Jan Carlo B. Besing ng Iguig, Cagayan, malaki ang naitulong ng pagsasanay sa pagpapalawak ng kanilang kaalaman. “Marami kaming natutunan tulad ng tamang nursery management, seed production, at cultural management gaya ng land preparation at integrated pest management. Lahat ng ito ay makakatulong upang mas maging produktibo ang aming Gulayan sa Bayan.”
Layunin ng naturang pagsasanay na paigtingin ang kaalaman, kasanayan, at wastong pananaw ng mga benepisyaryo mula sa iba’t ibang munisipalidad ng Cagayan at Isabela tungo sa mas produktibo at sustainable community vegetable gardens. Inaasahan naman na ang mga kalahok mula sa probinsiya ng Quirino at Batanes ang target ng ikatlong batch ng GSB.
Ang pagsasanay ay isinagawa ng ATI-RTC 02, kasama ang Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA-RFO 02) at mga Local Government Units (LGUs) ng Isabela.