Sa layuning mapalakas ang ligtas at responsableng paggamit ng agricultural inputs sa mga malalayo na komunidad, matagumpay na isinagawa ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) katuwang ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) ang final batch ng “Training on Fertilizer and Pesticide Handling and Management for Farmer Leaders” noong Mayo 20 hanggang 22, 2026 sa Centro II, Calayan Island, Cagayan.
Dinaluhan ang tatlong araw na pagsasanay ng 30 magsasaka at anim na agricultural extension workers (AEWs) mula sa iba’t-ibang barangay sa nasabing isla. Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga kalahok hinggil sa tamang paggamit, paghawak, at pamamahala ng pataba at pestisidyo upang maiwasan ang panganib sa kalusugan, kapaligiran, at produksyon ng pananim.
Kilala ang Calayan Island bilang isa sa mga geographically isolated areas sa Region 02, na tinatayang pitong oras ang biyahe sa bangka mula sa mainland Cagayan. Dahil dito, limitado ang pagkakataon ng mga magsasaka at extension workers na makadalo sa mga teknikal na pagsasanay at capacity-building activities.
Kaya naman ang ATI-RTC 02, katuwang ang mga ahensiya ng gobyerno at local na pamahalaan ay gumagagawa ng pamamaraan upang mailapit sa mga isla at malalayong komunidad ang mga programang nakatuon sa makabagong kaalaman sa agrikultura, lalo na sa panahon ng tumitinding hamon sa produksyon at pagbabago ng klima.
Tinalakay sa pagsasanay ang mahahalagang paksa kabilang ang mandato at regulatory functions ng FPA, tamang pagrerehistro ng pataba at pestesidyo, paggamit ng biorational pesticides, wastong application techniques, pesticide resistance management, emergency and safety procedures, at Good Agricultural Practices o GAP sa produksyon ng palay.
Napapanahon din ang aktibidad dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng brown planthopper (BPH) infestation sa isla—isang pangunahing peste na nakapipinsala sa produksyon ng palay. Ibinahagi rin ng mga magsasaka na patuloy nilang kinakaharap ang iba pang suliranin tulad ng golden apple snail, weeds, rice blast, at tungro disease.
Dahil dito, madalas na nagiging pangunahing tugon ng ilang magsasaka ang labis na paggamit ng pestesidyo. Sa pamamagitan ng pagsasanay, binigyang-diin ng mga eksperto ang kahalagahan ng tamang pagbasa ng label, pag-alam sa mode of action ng mga pestesidyo, pagkilala sa counterfeit products, at wastong disposal ng chemical wastes upang maiwasan ang panganib sa tao at kalikasan.
Ayon kay Mr. Lino P. Llopis ng Magsidel West Farmers Association, mahalagang maisabuhay ng mga magsasaka ang kanilang mga natutunan sa susunod na cropping season. “Dagiti naadal tayo ket dapat nga maipakat iti sumaruno a panagtalon. No ammo tayo dagiti husto nga aramiden, mas mapintas ti epekto na para kadatayo amin ken iti panagmula tayo.”
Nagpahayag din ng pasasalamat si Ms. Rosario T. Torrado, na aniya’y malaking tulong ang training upang mas maintindihan ng mga magsasaka ang panganib at wastong paggamit ng pesticides. “Nabigbigmi ti kaibahan dagiti delikado ken nalinteg nga pesticide, ken naamuanmi met ti husto nga panagdispose kadagiti wastes. Dakkel daytoy a tulong para iti komunidad.”
Sa pagbubukas ng programa, ipinakilala ni Mr. Hante Tan, Municipal Agriculturist ng nasabing bayan, ang mga kalahok at katuwang na ahensya. Nagbigay naman ng mensahe si Barangay Captain Hon. Romel Remulacio ng Centro II bilang pagsuporta sa layunin ng nasabing aktibidad.
Binigyang-diin naman ni Municipal Mayor Hon. Joseph M. Llopis ang kahalagahan ng science-based farming practices, lalo na sa pagbangon ng mga magsasaka mula sa pinsalang dulot ng mga bagyo at pabago-bagong kondisyon ng panahon.
Nagpasalamat din si Mr. Arwin Cardenas, Agriculturist II, sa suporta ng Lokal na Pamahalaan ng Calayan at hinikayat ang mga kalahok na ipalaganap ang kanilang mga natutunan sa kani-kanilang organisasyon at komunidad.
Samantala, nagpahayag naman ang mga kalahok ng hangaring maipasa sa kapwa magsasaka ang kanilang mga bagong kaalaman habang umaasa rin sa mas marami pang pagsasanay sa livestock production, partikular sa swine at cattle raising—bilang bahagi ng pagpapalakas ng diversified at climate-resilient farming systems sa Calayan Island.