Thu, 07/09/2026 - 15:42

Pinasinayaan ngayong araw, July 9, 2026, ang 30-Sow Level Swine Multiplier and Techno-Demo Farm, para sa San Francisco Norte Women’s Organization ng Barangay San Francisco Norte, San Guillermo, Isabela. Isang proyektong nagkakahalaga ng ₱10 milyon sa ilalim ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion Program (INSPIRE), sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), Department of Agriculture, at ng Lokal na Pamahalaan ng San Guillermo, bilang tugon sa layuning mapalakas ang produksyon ng baboy, mapalawak ang kabuhayan ng mga kababaihan, at makatulong sa muling pagbangon ng industriya ng pagbababoy sa lalawigan.

Sa isinagawang Blessing and Inauguration Ceremonies, dumalo sina Engr. Roy Benzon Balledo, Dr. Maurianne Turingan, Chief ng Parnerships and Accreditation Section at Focal person ng Livestock Program ng ATI Region 02, na kumatawan kay ATI-RTC 02 Center Director, Dr. Claris Marayag-Alaska. Dumalo rin sina Municipal Mayor, Engr. Felipe C. Guyod III, Municipal Vice Mayor Atty. Bernardine M. Lucas, Sanguniang Bayan Member and Committee on Agriculture Chairperson, Marilou N. Sanchez, Municipal Agriculturist Jeannie C. Mangaoil, Livestock Inspector Michael B. Fernandez, mga BAFC chairperson mula sa ibat-ibang barangay ng nasabing bayan, mga opisyal ng barangay na pinapangunahan ni Brgy. Captain, Gennifer N. Ullais, at opisyal ng SFNWO at mga miyembro nito. Pinangunahan din ng mga ito ang ribbon cutting at key turn-over ceremony kasama si Ptr. Albert A. Antolin.

IMG_0143.JPG

Ang San Francisco Norte Women’s Organization (SFNWO) ay isa lamang sa mga Civil Society Organizations (CSOs) sa bayan ng San Guillermo na isa sa mga bayan na may pinakamaraming accredited farmer’s organization sa buong lambak ng Cagayan. Sa kasalukuyan, may 122 miyembro ang (SFNWO). Ayon kay Gng. Arlene Ordona, president ng SFNWO, matagal na umano ang kanilang organisasyon subalit naregister ito noong March 2, 2021.

IMG_0202.JPG

Naging madamdamin naman ang naging pahayag ni Ordona sa panayam ng ATI-RTC 02 matapos balikan nito ang kanilang mga pinagdaanan sa paghahanda sa mga dokumentong kinakailangan bago maipasakamay sa kanila ang naturang proyekto. Aniya, masayang-masaya siya para sa mga kababaihan sa kanilang barangay. Pinasalamatan rin nito ang ATI-RTC 02 at ang local na pamahalaan ng San Guillermo na siyang tumulong upang maipasakamay sa kanila ang naturang proyekto.

IMG_0284.JPG

“Finally, nandito na itong inaasam naming project na siyang makatutulong sa mga kababaihan sa aming lugar. Malaking bagay ito sa amin dahil katulad ngayon nararanasan ang epekto ng tagtuyot, wala na kaming ibang mapagkukunan ng pagkakakitan kaya napapanahon itong proyekto na ito dahil mayron na kaming ibang mapagkakakitaan. Kaya naman, mas papaigtingin pa namin ang aming pagkakaisa. Dapat mayroong transparency at tiwala sa bawat isa sa amin,” ani Ordona.

IMG_0153.JPG

Samantala, sa mensahe ni Mayor Engr. Felipe C. Guyud III, municipal mayor ng San Guillermo, tiniyak nito ang patuloy na pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang tagumpay at pagpapanatili ng mga proyekto sa kanilang bayan. “Marami ang nasasayang na proyekto ng gobyerno dahil hindi iningatan, napagod, at ayaw magsakripisyo ang mga miyembro. Kaya naman, dapat tularan natin ang walis-tingting na may pagkakaisa, dahil ang swerte natin dito sa San Guillermo, dahil may mga proyekto na pumapasok sa ating bayan kaya dapat ingatan natin ang mga ito" pahayag ni Guyud.

Sa kanyang message of challenge, binigyang-diin ni Dr. Maurieann M. Tuirangan, ang mahalagang papel ng organisasyon sa pangangalaga at pagpapaunlad ng proyekto upang maging huwaran ito ng matagumpay na community-based swine enterprise sa rehiyon.

Sa mensahe ni SB Member Marilou N. Sanchez, chairperson ng Committee on Agriculture, hinikayat niya ang samahan na pangalagaan ang proyektong ipinagkatiwala sa kanila at gamitin ito bilang daan tungo sa mas matatag na kabuhayan. Sa kanyang closing remarks, nagpasalamat si Jeannie C. Mangaoil, municipal agriculturist ng San Guillermo, sa lahat ng ahensiya at katuwang na naging bahagi ng pagsasakatuparan ng proyekto.

Ang 30-Sow Level Swine Multiplier and Techno-Demo Farm ay inaasahang magiging mahalagang sentro ng pagpaparami ng de-kalidad na baboy, pagsasanay sa makabagong teknolohiya sa paghahayupan, at paglikha ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan para sa mga kababaihan at mga hog raisers sa San Guillermo. Inaasahan ding magsisilbi itong modelo ng matagumpay na pagpapatupad ng mga programang pang-agrikultura na nakabatay sa sama-samang pagkilos ng pamahalaan at komunidad.

IMG_0341.JPG

article-seo
bad