“Napakaganda po ng training na ito dahil marami kaming natutunan sa tamang pag-aalaga ng manok,” ito ang ibinahagi ni Ms. Cherrie Busilan, isa sa mga kalahok sa isinagawang tatlong araw na na pagsasanay sa Chicken Layer Production.
Ang pagsasanay ay bahagi ng suporta sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), katuwang ang Department of Social Welfare and Development – Sustainable Livelihood Program (DSWD-SLP) at Local Government Unit ng Solana, noong May26–28, 2026, sa Brgy. Furagui, Solana, Cagayan.
Ayon naman kay Ms. Jovelyn Villanueva, malaking tulong ang mga kaalamang ibinahagi upang mas mapalalim ang kanilang pag-unawa sa produksyon ng mga paitluging manok na panggalingan ng dagdag na kabuhayan. Samantala, binigyang-diin ni Ms. Rose Ann Garcia na natutuhan nila ang mga wastong pamamaraan upang mapataas ang egg production at maiwasan ang mga problemang maaaring makaapekto sa kanilang mga alagang manok.
Dinaluhan ang pagsasanay ng 25 SLP beneficiaries mula sa Barangay Furagui na layuning palawakin ang kanilang kaalaman, kasanayan, at wastong saloobin sa produksyon ng mga manok na pang-itlog upang higit pang mapabuti ang kanilang mga proyektong pangkabuhayan.
Pinangunahan ni Punong Barangay Hon. Narciso B. Elchico ang pagbubukas ng programa sa pamamagitan ng kanyang mensahe ng pagtanggap. Dumalo rin sina Dr. John-Ryan M. Perez, DVM, at Ms. Geraldine Tumanguil-Castro, Agricultural Technician mula sa Municipal Agriculture Office ng LGU Solana, gayundin si Ms. Divina Sibayan mula sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Tinalakay ni Mr. Christian Mark V. Andres, Technical Support Staff, ang pangkalahatang konsepto ng chicken layer production, kabilang ang kahalagahan nito sa industriya ng manukan, mga oportunidad sa merkado, at pagkakaiba ng layer at broiler production. Ipinaliwanag din niya ang mga wastong pamamaraan sa housing at environment management gaya ng tamang disenyo ng kulungan, bentilasyon, biosecurity measures, at waste management.
Samantala, ibinahagi ni Ms. Noemi O. Valdez, Training Specialist II, ang mga mahahalagang kaalaman hinggil sa pagpili ng angkop na lahi ng manok para sa layer production at ang mga pamantayang dapat isaalang-alang tulad ng kakayahang makaangkop sa klima, produksyon ng itlog, at feed conversion efficiency.
Nagbigay rin ng teknikal na talakayan si Mr. Einar De Mesa ng Jesla Poultry Farm. Kabilang dito ang nutrition and feeding management, health and disease management, general management practices, egg handling and grading, at cost and return analysis. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng wastong pagpapakain, pagbabakuna, pagpapanatili ng kalusugan ng mga alagang manok, at tamang paghawak ng mga itlog upang matiyak ang mataas na kalidad ng produksyon.
Bilang bahagi ng pagsasanay, bumisita sa Jesla Poultry Farm sa City of Ilagan, Isabela kung saan aktuwal na nakilahok ang mga SLP beneficiaries sa feed mixing, pagpapakain, pangongolekta ng itlog, at pagsasagawa ng egg sorting. Naging daan ito upang mailapat nila sa praktikal na sitwasyon ang mga kaalamang kanilang natutuhan mula sa mga lecture sessions.
Samantala, nagbigay rin ng mesahe si Junett C. Adduru ng DSWD, habang binigyang-diin naman ni Ms. Joan May Z. Bareno, Training Specialist II, ang kahalagahan ng patuloy na pagpapalakas sa mga proyektong pangkabuhayan ng mga benepisyaryo sa pamamagitan ng mga ganitong capacity-building activities.
Dagdag pa rito, namahagi ang DA-RFO 02 Southern Cagayan Research Center ng mga hand sprayer sa mga kalahok bilang suporta sa kanilang mga gawaing pang-agrikultura at pangkabuhayan. Sa kanyang closing remarks, muling tiniyak ni Punong Barangay Narciso B. Elchico ang patuloy na suporta ng pamahalaang barangay sa mga programa at inisyatibong magpapabuti sa kabuhayan ng kanilang komunidad.
Sa pagsasanay na ito, inaasahang higit na mapauunlad ng mga benepisyaryo ang kanilang poultry enterprises, mapataas ang kanilang produksyon, at makalikha ng mas matatag na kabuhayan para sa kanilang mga pamilya at makatulong sa kanilang komunidad.