Tue, 05/12/2026 - 07:47

Mas pinalawak pa ang kaalaman at kakayahan ng mga kabataan sa larangan ng livestock production matapos matagumpay na makapagtapos ang unang batch ng mga kalahok sa YOUTH AI Project sa isinagawang Training on Animal Health Care and Management ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), katuwang ang Department of Agriculture – Regional Field Office 02 (DA-RFO2), noong May 4–6, 2026 sa ATI-RTC 02 sa Cabagan, Isabela.

Layunin ng tatlong araw na pagsasanay na mapalawak ang kaalaman, kasanayan, at kakayahan ng mga kabataan sa larangan ng animal health care at livestock management. Sa pamamagitan nito, nabigyan ang mga kalahok ng praktikal at teknikal na kaalaman hinggil sa tamang animal restraint, pagpapatupad ng biosecurity measures, history taking, sample collection, wastong paghawak at pag-iimbak ng mga sample at biologics, gayundin ang ligtas na pagbibigay ng mga gamot at biologics—mga mahahalagang kakayahan upang mapanatiling malusog at produktibo ang mga alagang hayop sa bukid.

IMG_9217.JPG

Sa loob ng tatlong araw, hinubog ang mga kalahok upang maging mas handa sa pagbibigay ng artificial insemination at basic veterinary services na inaasahang makatutulong sa pagpapalakas ng livestock industry at paglikha ng dagdag na oportunidad sa kabuhayan sa kanilang mga komunidad.

Nagsilbing resource speakers sa aktibidad ang mga beterinaryo mula sa ATI-RTC 02, DA-RFO2, at Provincial Veterinary Office ng Isabela. Sa pamamagitan ng kanilang mga pagtuturo, demonstrasyon, at pagbabahagi ng makabagong kaalaman at teknolohiya sa animal health care at livestock management, mas nahubog ang kakayahan ng mga kalahok upang maging mas handa at epektibong tumugon sa pangangailangan ng sektor ng agrikultura.

IMG_9154.JPG

Kabuuang 14 na kabataang kalahok ang matagumpay na nakapagtapos sa pagsasanay. Ang kanilang pagtatapos ay itinuturing na mahalagang hakbang sa pagpapatupad ng YOUTH AI Project na naglalayong mabigyan ng sapat na kaalaman, teknikal na kasanayan, at oportunidad sa kabuhayan ang mga kabataan sa industriya ng livestock.

Bilang bahagi ng suporta sa pagsasanay, tumanggap din ang mga kalahok ng basic veterinary kits na maaari nilang magamit sa mga field activities habang nagsisilbing AI technicians. Bahagi ito ng sustainability plan ng YOUTH AI Project upang matiyak na ang mga youth beneficiaries ay hindi lamang handang magsagawa ng artificial insemination services kundi may kakayahan ding magbigay ng basic veterinary services sa kani-kanilang komunidad. Inaasahan ding makatutulong ang inisyatibong ito upang makalikha ng dagdag na pagkakakitaan para sa mga Youth AI technicians habang nakatutulong sa pagpapabuti ng kalusugan at produksiyon ng mga alagang hayop sa kanilang mga lugar.

IMG_5852.JPG

Kaugnay ng patuloy na pagpapaunlad ng programa, nakatakda ring sumailalim ang mga kalahok sa National Competency Assessment sa May 14–15, 2026. Sa pamamagitan nito, magkakaroon sila ng pagkakataong makakuha ng pormal na sertipikasyon at karagdagang kredensyal bilang livestock technicians, na higit pang magpapalakas sa kanilang kwalipikasyon at oportunidad sa trabaho sa sektor ng agrikultura.

Ang pagsasagawa ng nasabing pagsasanay ay bahagi ng tuloy-tuloy na suporta para sa YOUTH AI Project, na nagpapakita ng matibay na pangako ng ATI-RTC 02 at DA-RFO2 sa paghubog ng mga kabataang may sapat na kaalaman, kasanayan, at kakayahan upang aktibong makapag-ambag sa napapanatiling pag-unlad ng agrikultura, pagpapataas ng produksiyon sa livestock sector, at pagpapatatag ng food security sa rehiyon.

 

~PAS

IMG_9210.JPG

Ang YOUTH AI Project o Youth for Artificial Insemination Project ay isang programang naglalayong mahikayat at mabigyan ng oportunidad ang mga kabataan na maging katuwang sa pagpapaunlad ng livestock industry sa pamamagitan ng pagsasanay sa artificial insemination, animal production, at basic veterinary services. Layunin nitong makalikha ng mga skilled youth technicians na makatutulong sa pagpapataas ng produksiyon ng mga alagang hayop habang nagbubukas ng dagdag na kabuhayan at oportunidad para sa mga kabataan sa kanayunan.

article-seo
bad