Matagumpay na idinaos ang National Agriculture and Fisheries Extension Services Month (NAFES) 2025 Celebration at 2nd Regional Agriculturist Congress sa Santiago Sports Arena noong Oktubre 16–17, 2025, sa pangunguna ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), katuwang ang Philippine Association of Agriculturists (PAA) Magat Chapter, Department of Agriculture – Regional Field Office 02 (DA-RFO 02) at ng Pamahalaang Lungsod ng Santiago.
Bahagi ang nasabing kaganapan ng unang selebrasyon ng National Agriculture and Fisheries Extension Services (NAFES) Month, na layuning kilalanin at palakasin ang kontribusyon ng mga Agricultural Extension Workers (AEWs) sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at pangisdaan. Ang NAFES 2025 ay may teamang “One Goal, One Extension: Advancing Agriculture and Fisheries for a Food Secure Nation.
Mahigit 400 AEWs mula sa iba’t ibang Local Government Units (LGUs), State Universities and Colleges (SUCs), kooperatiba, asosasyon, club, pribadong sektor, at ilang natatanging magsasaka mula sa Cagayan Valley Region ang lumahok sa naturang pagdiriwang.
Ipinahayag ni ATI Director Remelyn R. Recoter, MNSA, CESO III na patuloy na nagsasagawa ang institusyon ng iba’t ibang programa sa extension na naglalayong maghatid ng pag-asa, kaalaman, at oportunidad sa mga mamamayan. Kabilang dito ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga magsasaka, kabataan, at mga benepisaryo ng farm schools sa pamamagitan ng mga initiative ng ahensiya na layuning tuldukan ang digital gap sa sektor ng agrikultura. “We continue to develop innovative and inclusive approaches from mobile learning platforms to the on-site and farm-based learning sites, all things sure that no community that no even one farmer left behind. As we celebrate NAFES Month 2025, let us be inspired to continue working together, to listen more, to serve better, and reach farther. Let this gathering remind us that the true measure of our work is not only in the program we launched but, in the lives, we touched and improved,” dagdag ni Director Recoter.
Sa mensahe ni OIC-Center Director, Dr. Claris Marayag-Alaska, pinasalamatan nito ang lahat ng AEWs sa Lambak ng Cagayan. Dagdag pa nito na ang ATI Region 2 ay patuloy na magiging katuwang ng gibyerno sa pagbibigay ng maganda, maayos, at tuloy-tuloy na extension services lalo na sa mga magsasaka sa Region 2.
Samantala, ibinahagi ni Dr. Rose Mary G. Aquino ang kakulangan ng mga agriculture extensionist sa lambak ng Cagayan at tiniyak nito na ang ahensiya ay gumagawa ng pamamaraan upang ang mga benepisyo ng mga AEWs ay matugunan sa mga susunod na mga araw.
Sa kanyang mensahe, binigyang-pugay ni Punong Lungsod Atty. Sheena Tan ang mga extension workers at kinilala ang kanilang mahalagang papel sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura. Ayon sa kanya, ang Pamahalaang Lungsod ng Santiago ay palaging nakahandang magbigay ng suporta sa mga inisyatiba at aktibidad na nagtataguyod ng kapakanan ng mga magsasaka. “I encourage everyone and commend this kind of organization and event where the different stakeholders of our agriculture sector gathered here today to find solutions to the overwhelming challenges our nation faces,” pahayag ni Tan. Dagdag pa niya, nananatiling layunin ng lokal na pamahalaan na makipagtulungan sa mga institusyon upang higit pang mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka at mapalakas ang produksyon sa agrikultura.
Pinangunahan naman ni Mr. Ruben Santos, PAA President - Magat Chapter, kasama sina Dr. Claris Marayag-Alaska, OIC-Center Director ng ATI-RTC 02, at Dir. Rose Mary G. Aquino, Regional Executive Director ng DARFO 02 ang pagdiriwang.
Sa loob ng dalawang araw, tampok sa programa ang mga plenary session, mensahe ng mga opisyal, at pagpapakita ng mga inobasyon at best practices sa larangan ng agricultural extension. Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin ng mga opisyal ang kahalagahan ng kooperasyon, inobasyon, at dedikasyon ng mga extension workers bilang susi sa isang food-secure at maunlad na bansa.
Kabilang sa mga tampok na gawain sa pagdiriwang ang pagpirma sa AEWs’ Commitment Wall, pagbabahagi ng best practices sa implementasyon ng extension programs, at ang AEW and Farmers’ Night.
Parte ng programa ang opisyal na Turnover ng Digital Farmers Program (DFP) Farm Tech Packages sa mga Farmer Cooperative and Associations na nagsanay sa DFP trainings. Inaasahan na makakatulong ang mga farm tech packages na ito sa mas agaran at mas madaling pagbabahagi sa mga magsasaka ng patungkol sa digital agriculture.
Bukod dito, tampok din ang agri-trade exhibit na nagpakita ng iba’t ibang produktong agrikultural, organikong paninda, prutas, gulay, condiments, at mga eco-friendly items. Nagbahagi rin ng Information, Education, and Communication (IEC) materials ang mga katuwang na ahensya ng DA, pati na rin ang mga Rural Improvement Clubs (RICs), Learning Site for Agriculture (LSA) Cooperators, at mga Magsasaka Syentista.
Ang pagdiriwang ng NAFES 2025 ay alinsunod sa Proclamation No. 753, s. 2024, na nagtatakda ng Oktubre bilang National Agriculture and Fisheries Extension Services (NAFES) Month sa buong bansa.