Matagumpay na natapos ng 6 na kabataang magsasaka ang kanilang 30-araw na farm immersion sa Juan Integrated Farm noong April 24, 2026, bilang paghahanda sa Filipino Young Farmers Internship Program in Taiwan (FYFIPT) Batch 7, isang flagship initiative na naglalayong ihanda ang susunod na henerasyon ng Filipino farmers para sa global exposure.
Isinagawa ang programa sa ilalim ng International Internship Program (IIPs) ng Agricultural Training Institute (ATI), sa pamamagitan ng Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), bilang paghahanda ng mga kalahok sa kanilang nalalapit na internship sa Taiwan.
Sa loob ng isang buwan, isinailalim ang mga intern sa masinsinang pagsasanay sa vegetable production, kabilang ang land preparation, crop establishment, nutrient management, pest control, at postharvest handling. Ang immersion ay pinangunahan ni Mr. Ambrocio D. Juan, isang ATI-accredited Learning Site for Agriculture cooperator, na kilala sa kanyang praktikal at makabagong pamamaraan sa pagsasaka.
Kabilang sa mga nagtapos sina Jimwell T. Agustin at Alexandria P. Ramos mula sa Echague, Isabela, Shaira Mae M. Rodillas mula sa Abulug, Cagayan, at sina Krismajaya J. Bantulay, Ramel A. Dodon, at Kengy F. Baltazar mula sa Kayapa, Nueva Vizcaya.
Bukod sa teknikal na kaalaman, nabigyan din ng oryentasyon ang mga interns hinggil sa kultura, tradisyon, at wikang Mandarin ng Taiwan sa tulong ni Edmhar G. Magdaluyo, alumni ng FYFIPT Batch 6—isang mahalagang paghahanda para sa kanilang paninirahan at pagtatrabaho sa ibang bansa.
Samatala, ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang mas pinalalim na pag-unawa sa agrikultura, lalo na ang kahalagahan ng tiyaga, disiplina, at malasakit sa pagsasaka. Ayon sa kanila, ang paninirahan kasama ang host farmer ay nagbigay sa kanila ng aktwal na karanasan sa araw-araw na buhay sa bukid—mula sa pagtatanim hanggang sa pag-aani—na hindi matutumbasan ng teoretikal na pag-aaral lamang.
Ipinahayag naman ni Mr. Juan ang kanyang pasasalamat sa dedikasyon at pagsusumikap ng mga intern. Aniya, ang kanilang pagiging bukas sa pagkatuto at pagsasabuhay ng mga itinuro ay patunay ng kanilang kahandaan sa mas mataas na hamon sa larangan ng agrikultura.
Samantala, binigyang-diin ni Dr. Claris Marayag-Alaska, Center Director ng ATI-RTC 02, ang layunin ng programa. “Huwag ninyong kalimutan ang inyong layunin—ang paunlarin ang inyong sarili sa larangan ng agrikultura at dalhin ang mga natutunan ninyo sa mas mataas na antas. Hindi sapat ang matuto lamang; mahalaga ang paglalapat at pagbabahagi nito upang sama-sama nating mapaunlad ang sektor ng agrikultura.”
Matapos ang graduation ceremony, isinagawa ang farm immersion assessment at evaluation gamit ang mga pamantayan ng ATI Central Office. Ang resulta nito ang magsisilbing batayan sa pinal na pagpili ng mga opisyal na kalahok ng FYFIPT Batch 7 mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Ang FYFIPT ay isa sa mga pangunahing programa ng ATI na naglalayong linangin ang globally competitive at makabagong magsasakang Pilipino sa pamamagitan ng hands-on training, international exposure, at teknolohiyang pang-agrikultura—isang mahalagang hakbang upang mapalakas ang food security at mapaunlad ang kabuhayan sa kanayunan.