Sa gitna ng lumalaking pangangailangan para sa mas mahigpit na food safety standards, matagumpay na nagtapos ang 21 na mga bagong Meat Inspectors sa isinagawang Basic Meat Inspection Course (BMIC) mula Mayo 4 hanggang 29, 2026 sa Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), Malasin, San Mateo, Isabela.
Isinagawa ang pagsasanay sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Agriculture–Regional Field Office 02 (DA-RFO 02), National Meat Inspection Service–Regional Technical Operation Center 02 (NMIS-RTOC 02), at ATI-RTC 02 upang palakasin ang kaalaman at kasanayan ng mga Agricultural Extension Workers (AEWs) at meat inspectors sa pagpapatupad ng meat inspection at food safety standards.
Sumailalim ang mga kalahok sa masusing training na kinapalooban ng mga lektura, demonstrasyon, workshop, field practicum, at hands-on exercises. Tinalakay sa pagsasanay ang mga batas at regulasyon sa meat inspection, anatomy at physiology ng food animals, animal diseases, humane slaughtering practices, ante-mortem at post-mortem inspection procedures, laboratory sample collection, sanitation at hygiene practices, waste management, at meat safety and quality assurance systems.
Bilang bahagi ng praktikal na pagkatuto, nagkaroon din ng field exposure ang mga kalahok sa mga slaughterhouse sa Santiago City, San Mateo, at Reina Mercedes; poultry dressing plants sa Alicia at Echague; cold storage warehouse sa San Isidro; at meat distribution centers sa Santiago at Cauayan City, kung saan aktuwal nilang naisagawa ang mga proseso ng meat inspection at enforcement.
Nagtapos ang pagsasanay sa isang Graduation Ceremony na sinimulan sa processional at sinundan ng Prayer ni Ms. Lovita C. Baltazar (LGU Amulung, Cagayan and PAS Staff), National Anthem at DA Hymn ni Ms. Mary Joyce D. Matias (LGU Ballesteros, Cagayan), Acknowledgement of Participants and Guests ni Ms. Lota Labonite-Aggulin, DVM (NMIS-RTOC 02 Senior Meat Control Officer).
Sa kanyang Opening Message, binigyang-diin ni Dr. Claris Marayag-Alaska, Center Director ng ATI-RTC 02, na sa loob ng isang buwang pagsasanay ay maraming natutunan ang mga kalahok mula sa tamang inspection procedures, sanitation practices, hanggang sa mga pamantayang kailangang sundin upang matiyak ang ligtas at dekalidad na produkto para sa publiko.
Ayon sa kanya, hindi naging madali ang proseso ng training dahil sa mga field activities sa slaughterhouses, pag-aaral ng mga technical terms, at mahihirap na pagsusulit, ngunit nalampasan ito ng mga kalahok dahil sa kanilang determinasyon na matuto, magbago, at mag-improve.
Hinikayat din niya ang mga nagsipagtapos na gamitin ang kanilang kaalaman nang may integridad, propesyonalismo, at malasakit sa paglilingkod sa kanilang mga komunidad.
Sa kanyang synthesis, binigyang-diin ni Dr. Maurieann Turingan ang mahalagang papel ng mga kalahok bilang tagapagtaguyod ng kaligtasan ng karne at proteksyon ng kalusugan ng publiko sa kanilang mga lokalidad.
Ibinahagi ni Mr. Jaymarc B. Balubal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na ang pagsasanay ay nagbigay sa kanila ng mas malalim na pag-unawa sa kanilang tungkulin. “Dito ko na-realize na may mga silent heroes. Pumasok kami rito na kakaunti lamang ang aming kaalaman sa meat inspection ngunit ngayon ay mas handa na kaming ibahagi ang aming natutunan sa aming mga bayan,” aniya.
Samantala, binigyang-diin ni Dr. Bernardo M. Narciso ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batanes na ang pagsasanay ay naging makabuluhan sa pagpapalawak ng kaalaman sa food safety at enforcement. “This course is very informative, challenging, and meaningful. Malaki ang natutunan namin sa meat inspection, slaughterhouse operations, food safety, animal health, at enforcement. Isa sa pinakamahalagang bahagi ng aming karanasan ay ang camaraderie na nabuo sa pagitan ng mga kalahok,” ani Narciso.
Kabilang din sa programa ang Presentation of Candidates for Graduation na pinangunahan ni Mr. Wendel Mark A. Geron, DVM ang Project Officer ng nasabing pagsasanay mula NMIS-RTOC 02; at sinundan ng Confirmation of Graduates at Response Message ni Dir. Fernando N. Lontoc, DVM, NMIS OIC Executive Director.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Dir. Lontoc ang DA-RFO 02 at ATI-RTC 02 sa libreng pagsasanay para sa mga meat inspectors at binigyang-diin na ang BMIC ay mahalagang hakbang bago maging awtorisadong magsagawa ng meat inspection alinsunod sa batas. “Gusto kong pasalamatan ang DA-RFO 02 at ATI-RTC 02 sa libreng training na ito para sa ating mga Meat Inspectors. Ayon sa ating batas, bago ka makapag-perform ng inspection work ay dapat ikaw ay na-train na ng NMIS at ngayon ay kayo ay awtorisado nang magsagawa ng meat inspection,” ani Lontoc.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng integridad, pakikipagtulungan ng national at local government, at sama-samang responsibilidad sa pagprotekta sa consuming public habang isinusulong ang livestock at poultry industry sa pamamagitan ng mahusay na meat inspection.
Sa Inspirational Message ni Dir. Rosemary G. Aquino, PhD, sa pamamagitan ni Mr. Fernando Arquero, hinikayat niya ang mga nagsipagtapos na ipagpatuloy ang kanilang propesyonal na pag-unlad at serbisyo. “Keep learning, seek feedback, and work closely with local government units and stakeholders to promote a culture of safety and quality meat. Congratulations again and may your journey beyond BMIC be part of meaningful service, proud achievements, and lasting contributions,” pahayag ni Dir. Aquino.
Kinilala rin ang mga natatanging kalahok sa pagtatapos ng programa, kung saan itinanghal na Top 1 si Mr. Randy M. Galutan, DVM ng LGU San Mateo, Isabela; Top 2 si Ms.Carolina B. Balao ng LGU Dupax del Sur, Nueva Vizcaya; at Top 3 si Mr. Francis Noah A. Viloria ng LGU Buguey, Cagayan.
Ang BMIC ay bahagi ng patuloy na inisyatiba ng Department of Agriculture, National Meat Inspection Service, at Agricultural Training Institute upang palakasin ang kakayahan ng mga field implementers sa pagpapatupad ng mahigpit na food safety standards, na naglalayong matiyak ang ligtas, malinis, at dekalidad na karne para sa mga pamilyang Pilipino.