Tue, 05/19/2026 - 14:39

att.3SIiwStBrcA8ej4rqRm8xeJDiRi7eX8iajd4aUjSui4.JPG

Mas pinalakas ang hakbang tungo sa digitalization ng agricultural extension services sa Cagayan Valley matapos isagawa ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) ang Training of Trainers on Digital Farmers Program para sa mga FITS Center staff  mula Mayo 11 hanggang 15, 2026 sa ATI-RTC 02, Malasin, San Mateo, Isabela.

Dinaluhan ito ng 25 Agricultural Extension Workers (AEWs) mula sa 18 bayan na may operational Farmers Information and Technology Services (FITS) Centers sa rehiyon.

Bilang mga magiging regional trainers, inaasahang magsisilbing digital enablers ang mga kalahok sa kani-kanilang LGU at FITS Centers sa pamamagitan ng pagpapalawak ng digital agriculture initiatives. Kabilang dito ang paggamit ng online platforms, virtual advisory services, at technology-based mentoring na nakapaloob sa kanilang re-entry plans.

att.OBrn8mXlsoESQwfoZUgTbX3ww3ZgixD5tlF2pGMEzrg.JPG

Tinalakay sa pagsasanay ang mga digital tools tulad ng paggamit ng smartphone applications, internet-based information systems, social media marketing strategies, at e-commerce platforms na maaaring magamit sa pagbebenta ng produkto ng mga magsasaka at pagpapabilis ng access sa impormasyon.

Isa sa mga pangunahing bahagi ng training ang demonstration ng agricultural drone technology at paggamit ng advanced agri-applications, na isinagawa sa FDN Integrated Farm sa Aurora, Isabela, bilang pagpapakita ng aktuwal na aplikasyon ng precision agriculture at digital farming technologies.

Ayon kay Dr. Claris Marayag-Alaska, patuloy ang pagsisikap ng ATI Region 02 na maihatid ang dekalidad at makabuluhang serbisyo para sa mga katuwang nito sa sektor ng agrikultura. Ipinabatid din niya ang kaniyang pasasalamat sa mga kalahok, lalo na sa mga unang beses pa lamang dumalo sa mga pagsasanay ng ATI, at umaasang naging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang kanilang pananatili sa Center.

att.lzTN-mdDa022UnZQju3qSB927aMJsOE6xnFutowEcwc.JPG

Binigyang-diin din niya na ang isinagawang pagsasanay ay hindi lamang para sa personal na paglinang ng kakayahan ng mga kalahok, kundi higit sa lahat ay para sa mas epektibong paghahatid ng serbisyo ng kani-kanilang FITS Centers sa mga komunidad. “Nawa’y maibahagi ninyo nang mahusay sa inyong mga nasasakupan ang mga kaalaman at kasanayang inyong natutunan upang lalo pang mapabuti ang serbisyong naihahatid natin sa ating mga magsasaka,” aniya.

Samantala, sa naging pahayag naman ni Ms. Geraldine M. Castro ng LGU-Solana, Cagayan, anya ay malaki ang naitulong ng training na ito sa kanyang kakayahang gumamit ng digital tools sa trabaho. “Mas naging mabilis ang pag-record ng data, monitoring ng farmers, at pagbibigay ng technical assistance gamit ang digital platforms,” ani Castro.

att.4AiD-PGQfkId96YiK7XfRZ0YJOTGi_ZyoTsaVwsPNno.JPG

Samantala, sinabi naman ni Ms. Mahalyn Guillermo ng LGU–Maddela, Quirino na mas naging makabuluhan ang pagkatuto sa mga digital na pamamaraan sa agrikultura. “Mas na-appreciate ko ang mga digital applications na nagpapadali ng serbisyo sa mga magsasaka at nagpapalawak ng kaalaman namin bilang extension workers,” ani Guillermo.

Sa kabuuan, inaasahang ang digitalization ng FITS Centers sa pamamagitan ng mga sinanay na AEWs ay magpapalakas sa modernisasyon ng serbisyong pang-agrikultura at magpapalawak ng access ng mga magsasaka sa impormasyon at teknolohiya sa rehiyon.

article-seo
bad