Matagumpay na isinagawa ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), katuwang ang Quirino Provincial Agriculture Office at Municipal Agriculture Office ng Aglipay, ang Technology Demonstration on Heirloom Rice Production with Farmers’ Field School (FFS) na layong palakasin ang kaalaman ng mga magsasaka sa makabago at masustansiyang teknolohiya sa pagtatanim ng palay.
Nagsimula ang FFS noong Hulyo 21 at nagtapos noong Nobyembre 7, 2025, na sinalihan ng 25 dedikadong magsasaka mula sa Aglipay at mga karatig-lugar. Sentro ng programa ang pagpapakilala ng F4 Dinorado, isang kilalang tradisyonal na rice variety na tanyag dahil sa natatanging aroma, mataas na kalidad, benepisyong pangkalusugan, at malaking potensyal sa merkado.
Nabigyan ang mga kalahok ng komprehensibong kaalaman sa iba’t ibang larangan ng produksyon ng heirloom rice. Kabilang dito ang wastong paghahanda ng lupa, pest and nutrient management, water-saving technologies, at ang pagsasagawa ng Agro-Ecosystem Analysis (AESA).
Ang pagsasanay ay isinagawa nina na Mr. Jhimcelle V. Salvador, chief of Career Development and Management Section at Mr. Jei-ar M. Limos, Development Management Officer I ng ATI-RTC 2 kasama sila Ms. Mailyne Telan, Provincial Rice Coordinator at Mr. Deny R. Pascual, Agriculturist I ng OPA Quirino Province.
Matapos ang 13 malalimang sesyon ng pagkatuto, isinagawa ang pagtatapos ng Farmers’ Field School na dinaluhan nina Ms. Florence C. Mangoba, Provincial Agriculturist ng Quirino, at Mr. Jei-ar M. Limos bilang kinatawan ni Center Director Dr. Claris Marayag-Alaska. Sa kanilang mensahe, pinuri nila ang sipag, dedikasyon, at pagnanais ng mga magsasaka na yakapin ang makabagong teknolohiya para sa mas produktibo at napapanatiling pagsasaka.
Itinuturing na mahalagang yugto ang FFS na ito sa Region 02, dahil higit nitong pinatatatag ang posisyon ng rehiyon sa produksyon ng mga tradisyonal na variety ng palay. Higit sa lahat, binibigyan nito ng kakayahan ang mga magsasaka na gamitin ang siyensiya at inobasyon para sa mas ligtas, masustansiya, at sustainable na produksyon ng pagkain na isang hakbang patungo sa mas matatag na sektor ng agrikultura.