Pormal nang na-deploy ang Top 3 applicant-interns para sa Young Filipino Farm Leaders Training Program in Japan (YFFLTPJ) Batch 2026 sa Arboleda Integrated Farm, isa sa mga kinikilalang Learning Site for Agriculture ng Agricultural Training Institute (ATI) na pagmamay-ari ni Ms. Janet C. Arboleda ng Brgy. Bintawan Norte, Villaverde.
Ang Top 3 Interns para sa YFFLTPJ Batch 2026 ay sina Mr. Jefferson V. Tania ng Alicia, Isabela, Ms. Jeromae G. Vallejo ng Echague, Isabela, at Ms. Precious Mira J. Bautista ng Cauayan City, Isabela.
Sa pagbubukas ng programa, pinangunahan ni Ms. Noemi Valdez, Training Specialist II ng ATI-RTC 2, ang pag-papakilala sa mga interns, panauhin, at mga kasama sa programa. Dumalo rin sa programa ang ilang opisyal mula sa mga Local Government Unit (LGU) kabilang sina Engr. Anthony Jordan M. Justo, OIC-Municipal Agriculturist ng LGU-Echague; Mr. Felino O. Fabro, Jr., OIC-Municipal Agriculturist ng LGU-Alicia; at Ms. Jovelyn P. Bala, 4-H Coordinator ng LGU-Cauayan City.
Malugod namang tinanggap ni Mr. Jhimcelle V. Salvador, Training Specialist III at Chief ng Career Development Management Section ang lahat ng kalahok at panauhin. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng farm immersion bilang paghahanda ng mga interns sa kanilang pagsasanay sa Japan. Aniya, mahalagang tapusin ng mga interns ang immersion, pagsanayin ang mga gawaing pangsakahan, at matuto mula sa teknolohiya at inobasyong mayroon sa Arboleda Farm. Paalala niya, inaasahan ng ATI na ang mga advanced technologies na kanilang matututunan sa Japan ay maibabahagi at maiaangkop pagbalik nila sa Pilipinas.
Sa orientation proper, tinalakay naman ni Engr. Beverly S. Orpilla, Media Production Specialist II, ang overview ng YFFLTPJ Program, iskedyul ng immersion, at mga tungkulin ng Host Farmer at Interns.
Nagpahayag din ng mensahe ng suporta ang mga kinatawan mula sa LGUs ng Alicia, Echague, at Cauayan City.
"Dapat talaga na magkaroon ng program na ganito, para malaman natin ang modern farming, para mamaximize yung yield at ma-minimize yung expenses. Napakaganda po na pupunta kayo ng Japan para pagpabalik niyo dito ay matulungan niyo ang LGU and we welcome you na maging partner na magturo sa mga farmers natin kung anuman ang matutunan natin," ani Mr. Fabro.
Dagdag naman ni Engr. Justo "isang challenge po ng ating farming industry ay ang aging farmers, with this internship program na I-engage yung ating mga youth, sana with your experience na makuha yung mga culture, work ethics ng mga japanese ay maidadala niyo dito ng sa ganun ay mahikayat nyo naman yung mga kabataan na mag engage into modern agriculture."
Bukod pa rito, nagpasalamat si Ms. Bala sa pagkakataong mabigyan muli ng slot ang Cauayan City para sa YFFLTPJ. Anya, "Sa experience ni Precious magiging refresher po ito sa Cauayan city para ng sa ganun mabigyan po ulit ng opportunity ang ating ibang mga kabataan na mas mag-engage pa into agriculture.”
Matapos silang maipakilala, personal na tinanggap ni Ms. Janet C. Arboleda ang mga interns at ipinahayag ang kanyang buong suporta sa kanilang training at paghahanda bago ang deployment sa Japan.
Ang programang ito ay naglalayong palakasin ang partisipasyon ng kabataang Pilipino sa makabagong agrikultura, patunay na patuloy ang pagtutulungan ng ATI, LGUs, at Learning Sites upang makabuo ng mga susunod na lider sa sektor ng pagsasaka.