Thu, 05/21/2026 - 15:09

IMG_7891.JPG

Ang industriya ng mais ay patuloy na naaapektuhan ng matitinding pest outbreaks tulad ng fall armyworm at corn borer na maaaring magdulot ng malawakang pinsala sa ani at kita ng mga magsasaka.

Sa gitna ng mga hamong ito, 30 Agricultural Extension Workers (AEWs) mula sa Rehiyon 02 ang sumailalim sa limang araw na pagsasanay upang palakasin ang kanilang kakayahan sa produksyon at paggamit ng Biological Control Agents (BCAs) bilang alternatibo sa kemikal na pestisidyo.

Mula Mayo 11 hanggang 15, 2026, isinagawa ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), katuwang ang DA–Regional Crop Protection Center (RCPC), ang Training on the Production of Biological Control Agents (BCAs) Used in Corn Production sa ATI-RTC 02 sa Malasin, San Mateo, Isabela.

20260513_093716.jpg

Sa isinagawang hands-on activities, natutunan ng mga kalahok ang wastong paghahanda ng soil media para sa earwig production at ang pagpaparami ng mga entomopathogenic fungi tulad ng Metarhizium, Trichoderma, at Isaria. Nagkaroon din sila ng pagkakataong bisitahin ang mga pasilidad para sa produksyon at kultura ng Trichogramma at Nucleopolyhedrovirus (NPV).

Pinangunahan ng mga eksperto mula sa DA-RCPC at ATI-RTC 02 ang mga lecture-discussions, praktikal na pagsasanay, at field practicum. Bilang bahagi rin ng pagpapalawak ng kaalaman ng mga kalahok, isinama sa programa ang mga paksang may kaugnayan sa climate change awareness at gender and development.

Sa pagtatapos ng programa, pinuri ni Dr. Claris M. Alaska, Center Director ng ATI-RTC 02, ang aktibong pakikilahok at dedikasyon ng mga kalahok sa buong pagsasanay. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng paggamit ng BCAs bilang isang natural at likas-kayang pamamaraan upang matulungan ang mga magsasaka ng mais sa pagkontrol ng peste at sakit sa kanilang pananim.

IMG_7549.JPG

Ibinahagi ni Ms. Roshelle Mae V. Rumbaoa, agricultural extension worker mula sa LGU Santa Ana, Cagayan, ang kahalagahan ng pagsasanay sa pagpapalawak ng kanyang kaalaman sa larangan ng produksyon ng mais. Ayon sa kanya, “Natutunan ko ang kahalagahan ng BCAs sa larangan, lalo na sa corn production. Bilang rice technician, mahalaga rin ito dahil pinalawak nito ang aking kaalaman at karanasan na maaari kong maibahagi sa aking mga farmer-clients sa hinaharap.” Dagdag pa niya, naging mahalaga rin ang kanyang pagkatuto sa aktuwal na proseso ng paggawa at paggamit ng BCAs, integrated pest management, at wastong paghawak nito.

Samantala, ibinahagi naman ni Engr. Arlyn C. Caoili ng PLGU-OPA Nueva Vizcaya ang kanyang pananaw hinggil sa kahalagahan ng teknolohiyang ito sa mga magsasaka. Aniya, “Sa mahabang panahon, nasanay ang ating mga magsasaka sa paggamit ng mamahaling kemikal tuwing may peste tulad ng fall armyworm. Ngunit sa tulong ng BCA gaya ng Trichogramma at mga kapaki-pakinabang na fungus, may mas ligtas, mas mura, at mas mabisang alternatibo.” Dagdag pa niya, mahalagang maging tulay ang mga AEWs sa pagpapakalat ng makabagong teknolohiya sa antas ng komunidad.

Sa pamamagitan ng naturang pagsasanay, inaasahang higit pang mapalalakas ang kakayahan ng mga Agricultural Extension Workers sa paghahatid ng mga makabagong teknolohiya at sustenableng pamamaraan sa sektor ng agrikultura, partikular sa produksyon ng mais sa Rehiyon 02.

article-seo
bad