Matagumpay na nagtapos ang tatlumpung (30) farmer-leaders mula sa iba’t ibang Farmers’ Cooperative Associations (FCAs) sa rehiyon sa tatlong-araw na pagsasanay sa Organizational Management and Farm Business Operation for Corn Cluster Areas na ginanap noong Oktubre 15–17, 2025 sa Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02, Malasin, San Mateo, Isabela.
Layunin ng naturang pagsasanay na palakasin ang kakayahan sa pamumuno at pamamahala ng mga kasapi ng corn cluster upang higit silang maging handa sa pangunguna ng mga samahan tungo sa matatag, maunlad, at market-oriented na agripreneurship.
Upang maging mas makabuluhan at kawili-wili ang pagkatuto, pinagsama sa mga sesyon ang mga lektura, talakayan, at workshop. Aktibong nakibahagi ang mga farmer-leaders sa palitan ng ideya kasama ang mga resource persons, dahilan upang maging interaktibo at makabuluhan ang bawat aktibidad. Sa ganitong paraan, lalong napalalim ng mga kalahok ang kanilang pag-unawa sa mga tinalakay na paksa at napalakas din ang samahan at teamwork sa hanay ng mga magsasaka.
Bilang mga tagapagsalita, dumalo ang mga eksperto mula sa DA-RFO 02, Cooperative Development Authority Region 02, at ATI-RTC 02, na tinalakay ang Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program, kabilang na ang kasalukuyang kalagayan at mga inisyatibo nito sa buong bansa at sa Rehiyon 02. Ibinahagi rin nila ang kahalagahan ng maayos na pamamahala sa kooperatiba at good governance.
Bukod dito, natutunan din ng mga kalahok ang mahahalagang kaalaman sa entrepreneurship, business management, at tamang financial at records management system. Ibinahagi rin sa kanila ng DA-Agricultural Credit Policy Council ang mahahalagang impormasyon hinggil sa mga pangunahing proseso sa pagkuha ng mga loan program para sa mga magsasaka.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, ang mga farmer-leaders ng mais ay mas handa na ngayong pamahalaan ang kanilang mga samahan, magpatupad ng mga inobatibong gawain, at gampanan ang kanilang mahalagang papel sa pagsusulong ng mas produktibo at sustenableng agrikultura sa Rehiyon 02.