Matagumpay na isinagawa ng Agricultural Training Institute-Regional Training Center 2 sa OceanaGold Philippines, Inc. (OGPI) ang isang araw na pagsasanay sa vermi composting at plant propagation para sa prutas at gulay noong Nobyembre 14, 2025.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang teknikal na kaalaman ng kanilang 20 kawani na nakatalaga sa nursery operation at management, bilang bahagi ng pagpapabuti ng mga gawaing pangkalikasan at pagpapatibay ng mga sustainable practices ng kumpanya.
Naganap ang pagsasanay matapos lumapit ang OGPI sa ATI-RTC 2 upang maging katuwang sa pagsasagawa ng programa.
Pinangunahan ang serye ng mga sesyon nina Ms. Jennilyn Pablo, Organic Agriculture (OA) focal person, at Ms. Noemi O. Valdez, High-Value Crops Development Program (HVCDP) focal person ng ATI-RTC 2. Tinalakay nila ang iba’t ibang teknolohiya sa vermi composting, tamang pamamahala ng nursery, at iba’t ibang teknik sa plant propagation na mahalaga para sa pagpaparami at pagpapanatili ng malulusog na punla.
Kabilang sa mga tampok ng pagsasanay ang hands-on activities kung saan aktibong nakilahok ang mga kalahok sa pagsasagawa ng grafting techniques. Kabilang dito ang cleft grafting para sa mga punong prutas at tube grafting para sa mga gulay, pati na rin ang tamang post-grafting care at management upang masiguro ang matagumpay na paglaki ng mga itinanim.
Ipinahayag ng mga kalahok ang kanilang pasasalamat sa ATI at OGPI sa pagbibigay ng pagkakataong mapaunlad ang kanilang praktikal na kaalaman na mahalaga sa kanilang trabaho sa nursery. Ayon sa kanila, ang kombinasyon ng makabuluhang talakayan at praktikal na pagsasanay ay nagbigay ng mas malalim na pag-unawa sa epektibong nursery management at nag-aambag sa mas pinabuting operasyon at environmental sustainability initiatives ng kumpanya.
Sa kabuuan, itinuring na isang produktibo at mahalagang aktibidad ang naturang pagsasanay, na inaasahang magpapatibay pa sa mga programa ng OGPI para sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapaunlad ng kanilang nursery operations.