Kinilala ang ATI-RTC 02 bilang mahalagang kasangga sa matagumpay na pagpapatupad ng AgriSagana 2 Project sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon sa AgriSagana Cooperatives Assembly at Accreditation Day, paglulunsad ng AgriSagana E-Learning Portal, at Project Culmination Event noong Pebrero 11, 2026 sa Mango Suite, Cauayan City, Isabela.
Pinangunahan ang aktibidad ng Asia Society for Social Improvement and Sustainable Transformation (ASSIST) sa pangunguna ni Mr. Mahesh Krishnamurthy, Director for Projects, sa pakikipagtulungan ng Cargill. Dumalo ang iba't ibang stakeholders at partner cooperatives mula sa Isabela, Quirino, at Cagayan upang ipagdiwang ang mga nakamit ng proyekto.
Inilunsad din ang AgriSagana E-Learning Portal, at sa pamamagitan ng video, nagbigay ng mensahe si Dr. Claris Marayag-Alaska ng ATI-RTC 02. Binigyang-diin niya na makatutulong ang portal upang mas mapalawak ang pagbibigay ng extension services nang hindi na kailangan ang face-to-face trainings. “Mahalaga ang platform na ito dahil tuloy-tuloy ang learning. Kahit tapos na ang proyekto, patuloy ang capacity-building, knowledge-sharing, at institutional strengthening ng mga farmers-cooperatives at associations,” ani Dr. Alaska.
Dumalo rin sa aktibidad sina Engr. Rolando Pedro ng DA-RFO 02; Engr. Johnson S. Lameg ng ATI-RTC 02; Mr. Neptali Dando ng OPA Isabela; Dr. Cipriano Ticam ng Isabela State University; Dr. Fredisminda Dolojan, QSU Director for Extension and Training Services ng Quirino State University; at mga kinatawan mula sa Central State University.
Ipinahayag ng mga panauhin ang kanilang pasasalamat at suporta sa ASSIST at Cargill sa patuloy na pagbibigay ng empowerment sa mga magsasaka sa pagmamaisan. Ayon sa kanila, napapabuti ng proyekto ang kanilang sistema sa crop management mula sa produksyon, pag-ani, hanggang sa postharvest practices.
Ang Coops Assembly at Accreditation Day ay nagbigay pagkilala sa mga corn farmer cooperatives/associations na nakatupad sa accreditation requirements ng Cargill at nagpalakas sa pakikilahok ng mga coops. Samantala, ang E-Learning Portal ay magsisilbing digital na plataporma para sa tuloy-tuloy na access sa learning resources, tools sa capacity-building, at best agricultural practices kahit tapos na ang proyekto.
Itinampok ng Project Culmination Event ang pinagsamang pagsisikap ng lahat ng stakeholders sa pagpapatupad ng AgriSagana 2 at pinagtibay ang pangako na palakasin ang produktibidad, kakayahang maka-adapt, at sustainability sa sektor ng agrikultura. Naging pagkakataon din ito upang ipagdiwang ang mga nakamit na milestones at patibayin ang partnerships para sa tuloy-tuloy na tagumpay ng proyekto.