Bilang suporta sa pagpapatupad ng Rice Clustering and Consolidation Program ng pamahalaan, nagsagawa ang Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) ng Cluster Assessment of Farmer Cooperatives and Associations (FCAs) Using the Harmonized Agricultural Cluster Assessment Tool (HACAT) Orientation noong Hulyo 1, 2026 sa ATI-RTC 02, Brgy. Malasin, San Mateo, Isabela.
Layunin ng oryentasyon na palakasin ang kaalaman at kakayahan ng mga kalahok sa wastong paggamit ng Harmonized Agricultural Cluster Assessment Tool (HACAT), na nagsisilbing mahalagang instrumento sa upang malaman ang estado ng mga Farmer Cooperatives and Associations (FCAs).
Binuksan ang programa sa pamamagitan ng pagkilala sa mga panauhin at kalahok ni Mr. Cupido Sabatin, Jr., Development Management Officer II. Sinundan ito ng pambungad na mensahe ni Mr. Vladimir B. Caliguiran, Information Officer III at chief ng Information Services Section ng ATI-RTC 02, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng mga samahan ng magsasaka upang mapalakas ang sektor ng agrikultura at mapataas ang kanilang produktibidad at kita.
Isa sa mga pangunahing paksa ng programa ang Memorandum Circular No. 49: Guidelines on Rice Clustering and Consolidation, na tinalakay ni Mr. Jaylord Y. Bagasin, Senior Agriculturist ng Department of Agriculture–Regional Field Office II (DA-RFO II). Ipinaliwanag niya ang mga alituntunin at layunin ng programa upang higit na mapalakas ang organisadong produksyon ng palay sa rehiyon.
Tinalakay naman ni Mr. Christian Mark V. Andres, RAgr, Technical Staff IV ng ATI-RTC 02, ang Rice Clustering and Consolidation Strategy gamit ang HACAT, kung saan ibinahagi niya ang kahalagahan ng assessment tool sa pagtukoy sa kasalukuyang estado, pangangailangan, at kahandaan ng mga FCAs para sa epektibong pagpapatupad ng clustering.
Nagbigay rin ng ulat tungkol sa status at update ng HACAT encoding si Mr. Jei Ar M. Limos, Development Management Officer I ng ATI-RTC 02, kabilang ang mga kasalukuyang progreso at mga hakbang upang mapabilis ang pangangalap at pagproseso ng datos.
Samantala, tinalakay ni Mr. Jhimcelle V. Salvador, RAgr, Training Specialist III at Officer-in-Charge Assistant Center Director ng ATI-RTC 02, ang Standard Operating Procedures (SOPs) sa pangangasiwa ng HACAT, na nagsisilbing gabay upang matiyak ang maayos, pare-pareho, at tumpak na pagsasagawa ng cluster assessment sa iba't ibang lugar.
Bukod sa mga teknikal na talakayan, nagsagawa rin ng pagtukoy ng mga piling Learning Site for Agriculture (LSA) cooperators at 4-H Club members, na magsisilbing katuwang sa assessment sa bawat lalawigan at munisipalidad sa Rehiyon II.
Sa pamamagitan ng oryentasyong ito, muling pinagtibay ng ATI-RTC 02 ang kanyang pangako na suportahan ang pagpapalakas ng mga organisasyon ng mga magsasaka sa pamamagitan ng capacity building at paggamit ng mga makabagong pamamaraan sa pagtatasa, tungo sa mas produktibo, organisado, at napapanatiling sektor ng agrikultura.