Inaasahan ang kakulangan sa tubig sa maraming livestock farms sa iba’t ibang lugar sa nararanasang dala ng bantang El Niño sa mga susunod na buwan. Dahil sa matinding init ng panahon at kakulangan ng ulan, unti-unting natutuyo ang mga natural na pinagkukunan ng tubig tulad ng poso, balon, at irigasyon na karaniwang pinanggagalingan ng suplay para sa mga alagang hayop.
Dahil sa mga hamong ito, nagsagawa ang Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) ng limang araw na Training on Solar-Powered Water System on Livestock Production noong Mayo 11–15, 2026 sa ATI-RTC 02, Malasin, San Mateo, Isabela. Layunin nitong tugunan ang agarang pangangailangan sa tubig sa panahon ng El Niño sa pamamagitan ng pagpapakilala ng alternatibong sistema na hindi nakadepende sa kuryente o gasolina.
Batay sa forecast, inaasahang mula Mayo hanggang Oktubre ay mararanasan ang mas tuyo at mas mainit na kondisyon sa ilang bahagi ng bansa, partikular sa Cagayan Valley at karatig na rehiyon. Nagdudulot ito ng mataas na panganib ng kakulangan sa suplay ng tubig para sa irigasyon at iba pang gamit sa agrikultura, na maaaring makaapekto sa paglaki at produksyon ng mga pananim at maging sa paghahayupan.
Sa ganitong kalagayan, maraming livestock raisers ang nahihirapang mapanatili ang regular na pagpapainom at kalinisan ng kanilang mga alaga, na direktang nakaaapekto sa kalusugan, produksyon, at kabuuang kita ng mga magsasaka. Mas lumalala pa ang sitwasyon sa mga liblib na lugar kung saan limitado ang access sa grid electricity, kaya ang paggamit ng conventional water pumping system ay nagiging mahal at hindi na praktikal, lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng gasolina at kuryente.
Sa loob ng limang araw na pagsasanay, isinagawa rin ang aktwal na installation ng solar-powered water system sa 30-sow level multiplier at techno demo farm ng RMFAC sa Dangan, Reina Mercedes, Isabela. Sa pamamagitan ng hands-on activity, mas napalalim ang teknikal na kasanayan ng mga Agricultural Extension Workers (AEWs) at farmer leaders habang naiaambag din ang pagpapabuti ng operasyon ng pasilidad.
Tinalakay rin sa pagsasanay ang mga prinsipyo ng solar energy, mga bahagi ng sistema, at tamang pag-install at maintenance upang matiyak na magagamit ito nang epektibo ng mga magsasaka. Sa ganitong paraan, ang inisyatiba ay nagsilbing konkretong tugon sa krisis sa tubig na pinalalala ng El Niño, habang isinusulong ang mas matatag at climate-resilient na livestock production sa mga rural na komunidad.
Binigyang-diin ni Dr. Claris Marayag-Alaska, Center Director ng Agricultural Training Institute – RTC 02, ang mahalagang papel ng mga Agricultural Extension Workers sa pagpapalaganap ng makabago at angkop na teknolohiya sa mga magsasaka, na aniya ay may mahalagang tungkulin sa pagtataguyod ng adoptable at innovative farming technologies para sa mga farmer.
Nagbahagi rin ng kanyang karanasan si Ms. Cyrille Ghae M. Viggayan, Agricultural Extension Worker ng PLGU Isabela, kung saan binigyang-diin niya ang kanyang natutunan tungkol sa advantages at disadvantages ng solar-powered system kumpara sa engine-driven pump, at ang kahalagahan ng tamang proseso bago at pagkatapos ng installation.. Anya, "Malaking tulong po ang SPWS lalo na sa livestock production at sustainable farming. Maraming salamat po dahil uuwi kami na maraming natutunan na maibabahagi namin sa aming LGU.”
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Mr. Roland S. Viloria, farmer-leader ng Claveria Poultry Raisers Association, sa ATI at sa mga resource speaker. Ayon sa kanya, malaking tulong ang aktuwal na pagsasanay kumpara sa teoretikal na talakayan, at nakikita nila ang malaking potensyal ng solar system sa pagpapabuti ng kanilang livestock operations. Ipinahayag din niya ang kahandaan ng kanilang asosasyon na ipagpatuloy at ipalaganap ang mga natutunan sa kanilang kooperatiba at komunidad. Anya, “agyaman kami iti association mi kasi sikami ti maysa nga nagasat, gapu ta kami ti beneficiary ti maysa nga SIRP iti ATI. At the same time, sikami pay apo ti maysa nga recipient iti solar power system, isu nga agyaman kami iti pamunuan iti ATI, nangruna ken Dr. Claris Marayag-Alaska."
Sa kabuuan, inaasahang ang kaalamang nakuha mula sa pagsasanay ay maipapasa ng mga kalahok sa kanilang mga komunidad upang mapalakas ang paggamit ng science-based at sustainable technologies na magpapabuti sa produktibidad ng livestock, episyenteng paggamit ng resources, at pagbuo ng mas climate-resilient na farming systems.