Matagumpay na isinagawa ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 2 (ATI-RTC 2), katuwang ang National Irrigation Administration–Zinundungan River Irrigation System (NIA-ZRIS), ang dalawang-araw na Training on Rice-Based Integrated Farming System for Irrigators Association (IA) Cluster noong Nobyembre 17–18, 2025 sa Centro 2, Lasam, Cagayan.
Layunin ng pagsasanay na bigyan ng praktikal, at naaayon na teknolohiya sa pagsasaka ang mga kalahok upang mabawasan ang gastusin at mapataas ang kanilang ani at kita.
Sa serye ng mga lektura, ibinahagi ng mga kawani ng ATI ang mahahalagang konsepto para sa mas produktibong pagsasaka. Tinalakay ni Mr. Jhimcelle V. Salvador, Training Specialist III at Chief ng Career Development Management Section ang PalayCheck System, na nagbibigay-diin sa siyentipikong pamamaraan para sa mas mahusay na produksyon ng palay. Ipinaliwanag naman ni Mr. Jei-ar M. Limos, Development Management Officer I ang mga prinsipyo at benepisyo ng Rice-Based Integrated Farming System, samantalang inilahad ni Mr. Christian Mark V. Andres, Technical Support Staf I ang mga oportunidad sa Free-Range Chicken at Small Ruminant Production.
Binigyang-diin ni Engr. Mandy T. Dela Cruz, Technical Support Staff I ang kahalagahan ng Rice-Duck Farming System, isang makakalikasang estratehiya para sa pamamahala ng peste at damo na nakatutulong upang mabawasan ang paggamit ng kemikal sa sakahan.
Sa pagtatapos ng programa, nagpaabot ng pasasalamat si Engr. Jinky P. Rabigo, Principal Engineer A ng NIA-ZRIS, sa ATI-RTC 2 sa patuloy na kolaborasyon at pagsuporta sa mga Irrigators Associations. Aniya, malaking tulong ang ganitong uri ng pagsasanay upang mas mapaunlad ang kakayahan at liderato ng mga magsasaka tungo sa mas matatag at modernong agrikultura sa rehiyon.