Nagsagawa ang Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) ng isang lektyur hinggil sa Community-Based Vegetable Gardening at Vermicomposting noong Hunyo 11, 2026 sa Barangay Pag-Asa, Echague, Isabela.
Dinaluhan ito ng kabuuang 21 benepisyaryo ng SLP na inaasahang magiging pangunahing implementers ng kanilang proyektong pangkabuhayan.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development–Sustainable Livelihood Program (DSWD-SLP) bilang bahagi ng isinusulong nilang livelihood project na popondohan ng ahensya.
Pinangunahan nina Ms. Noemi O. Valdez, Training Specialist II, at Mr. Christian Mark V. Andres, Technical Support Staff I ng Career Development and Management Section ang pagbibigay ng kaalaman at praktikal na kasanayan sa mga kalahok upang masuportahan ang kanilang planong proyekto.
Tinalakay ni Ms. Valdez ang kahalagahan ng community gardening at ipinakilala ang iba’t ibang uri nito tulad ng urban gardening, vertical gardening, container gardening, at hydroponics. Ibinahagi rin niya ang mga basic vegetable production practices at mga simpleng pamamaraan sa paghahalaman na maaaring magamit ng mga benepisyaryo sa kanilang mga komunidad.
Binigyang-diin sa talakayan ang kahalagahan ng produksyon ng ligtas at masustansyang pagkain para sa mga pamilya at komunidad sa pamamagitan ng community-based agriculture.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Mr. Andres ang mga prinsipyo at praktika ng vermicomposting at pile composting, kabilang ang mga benepisyo nito sa pagpapaunlad ng sustainable vegetable production.
Bilang bahagi ng pagpapalalim ng kaalaman, pinangunahan ni Ms. Valdez ang hands-on activity na kinabibilangan ng soil media preparation, seed sowing, at pagsisimula ng simpleng hydroponic system.
Sa closing program, nagpahayag ng pasasalamat sina Mr. Christianel M. Lagman at Ms. Genevive R. Roque ng DSWD-SLP sa ATI-RTC 02 sa ibinigay na kaalaman at pagsasanay sa kanilang mga benepisyaryo.
Ayon sa kanila, malaki ang magiging ambag ng aktibidad sa tagumpay ng kanilang planong livelihood project at sa pagpapatatag ng kakayahan ng kanilang organisasyon.