Pinangunahan nina Regional Executive Director Dir. Rose Mary G. Aquino ng Department of Agriculture–Regional Field Office No. 2 at ni Center Director Dr. Claris Marayag-Alaska ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 ang isang talakayan para sa implementasyon ng EBAEC bilang bahagi ng DA-REACH noong MAY 4, 2026.
Layunin ng aktibidad na mapag-usapan ang mga paraan upang mas mapabuti ang pagpapatupad ng DA-REACH sa rehiyon. Kabilang na rito ang pagbibigay ng tablets at field kits sa mga COS/JO personnel upang mas mapadali ang kanilang trabaho sa komunidad. Layunin nitong mapabilis ang pangangalap ng datos at mas maayos na makapaghatid ng serbisyo sa mga magsasaka.
Iminungkahi rin ang pagsasagawa ng mga training na nakatuon sa kasalukuyang pangangailangan ng mga magsasaka, sa halip na saklawin ang lahat ng paksa sa produksyon. Ito ay isinasagawa alinsunod sa curricular framework ng Agricultural Training Institute (ATI), na kaakibat ang pagpapatupad ng competency assessment bilang bahagi ng proseso ng pagkatuto at paghubog ng kakayahan. Tinalakay rin ang pag-aayos ng listahan ng mga tauhan, kanilang area of assignment, at paglalabas ng memorandum upang maging maayos ang implementasyon ng EBAEC.
Samantala, inaasahang magsasagawa ng virtual orientation para sa pilot batch ng EBAEC hinggil sa iba’t ibang programa at serbisyo ng Department of Agriculture simula Mayo 8. Samantala, magsisimula ang bagong batch ng EBAEC sa Hunyo.
Dumalo rin sa pulong sina Dr. Marvin Luis, chief ng Field Operations Division, at Ms. Sheila Orpilla, head of Institutional Development Unit ng DA-RFO 02. Kasama rin sina Ms. Mayflor Macmac, Planning Officer II at co-Project Officer ng BAEC, at Ms. Beverly Orpilla, Media Production Specialist II at co- Project Officer ng BAEC sa ATI-RTC 02.
Ang EBAEC ay bahagi ng DA-REACH program na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga extension worker at mapabuti ang serbisyo sa mga magsasaka at mangingisda.