Hindi lamang bagong kaalaman ang naiuwi ng 25 magsasakang kalahok sa isinagawang Training on the Production of Coconut Products and By-products mula Hunyo 9 hanggang 11, 2026 sa Gonzaga, Cagayan. Higit sa lahat, nagkaroon sila ng panibagong inspirasyon at pag-asa na mapalawak ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng industriya ng niyog.
Pinangunahan ng mga resource persons mula sa Philippine Coconut Authority (PCA) at LGU-Gonzaga, Cagayan ang mga talakayan tungkol sa Good Agricultural Practices (GAP) sa produksyon ng niyog. Tinalakay rito ang wastong pamamahala ng taniman, tamang pagpapataba, pangangalaga laban sa peste at sakit, at iba pang makabagong pamamaraang makatutulong upang mapataas ang ani at produktibidad. Sa pamamagitan ng mga araling ito, nagkaroon ng mas matibay na pundasyon ang mga kalahok upang mapaunlad ang kanilang mga taniman sa paraang episyente at sustenable.
Isa rin sa mga tampok na bahagi ng pagsasanay ang lecture sa Good Manufacturing Practices (GMP) na ibinahagi ni Mr. Jetro C. Inong ng ATI-RTC 02. Tinutukan dito ang kahalagahan ng wastong sanitasyon, food safety standards, tamang paghawak ng produkto, packaging, labeling, at maayos na pag-iimbak ng mga naprosesong produktong niyog. Sa tulong ng sesyong ito, higit na naunawaan ng mga kalahok ang kahalagahan ng kalidad at kaligtasan sa paggawa ng mga produktong maaaring maipagbili sa merkado.
Isa sa mga pinakainaabangang bahagi ng pagsasanay ang aktuwal na demonstrasyon sa paggawa ng iba't ibang produktong pagkain at di-pagkain mula sa niyog. Pinangunahan ito ni Gng. Julita Paculgen ng Sanchez Mira, Cagayan, na nagbahagi ng kanyang karanasan at kadalubhasaan sa pagproseso ng mga produktong niyog. Aktibong nakilahok ang mga magsasaka sa mga gawaing praktikal na nagbigay sa kanila ng bagong kasanayan sa pagdaragdag-halaga (value-adding) at paglikha ng mga produktong may mas mataas na potensyal na kita.
Bilang paghahanda sa posibleng pagtatayo ng mga maliliit na negosyo, isinama rin sa pagsasanay ang talakayan sa simple cost and return analysis upang matulungan ang mga kalahok na matukoy ang gastusin, kita, at kakayahang kumita ng mga produktong nakabatay sa niyog.
Ayon kay Ms. Trifanny C. Hosim, isa sa mga kalahok, malaki ang naitulong ng pagsasanay sa pagpapalawak ng kanyang kaalaman sa pagproseso ng iba't ibang produktong niyog, kabilang ang kahalagahan ng pagiging rehistradong magsasaka, wastong pag-iimpake, paglalagay ng etiketa, at pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan ng pagkain.
Samantala, ibinahagi naman ni Ms. Gina Naanep ang kanyang pasasalamat sa mga naging tagapagsanay at kapwa kalahok. "Ang training na ito ay nagbukas sa akin ng pag-asa na sa buko ay may mas malaking kita. Malaking tulong ang mga natutunan namin sa paggawa ng coconut by-products upang mas maging produktibo pa ang aming kabuhayan. Sana ay maibahagi rin namin ang mga natutunang ito sa iba pang mga magsasaka sa aming komunidad," ani Naanep.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, ipinahayag ng mga kalahok ang kanilang determinasyon na isabuhay at ipalaganap ang mga natutunang kaalaman at kasanayan. Inaasahang magbubunga ito ng mas mataas na produksyon, mas maraming produktong may dagdag na halaga, at mas magandang oportunidad sa kabuhayan para sa mga magsasaka ng niyog sa Gonzaga.
Ipinakita sa pagsasanay na ang niyog ay hindi lamang simpleng pananim, kundi isang mahalagang yaman na maaaring pagkunan ng sari-saring produkto at dagdag-kita para sa mga pamilya ng mga magsasaka.