Ang patola (Luffa acutangula) o kabatiti sa Iluko at Ibanag ay mayaman sa phosphorus, calcium at iron. Ang mga lalaking bulaklak ng patola ay nagkukumpo-kumpol samantalang ang mga babaeng bulaklak ay maaaring isahan lamang o kaya ay kasama ng mga lalaking bulaklak.
Ang patola ay maaaring itanim sa anumang buwan ng taon. Pinakamainam sa buwan ng Hunyo hanggang Setyembre at mula Pebrero hanggang Mayo kung may sapat na patubig. Para mas mataas ang ani, piliin ang lupa na may mga organic matter.