Patuloy na pinalalawak ng Department of Agriculture - Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ang akreditasyon ng mga modelong farm sa rehiyon na nagpapakita ng iba’t ibang teknolohiya at mabisang pamamaraan sa matagumpay na pagsasaka sa kanilang mga komunidad.
Ngayong Agosto, sa pangunguna ni Center Director Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, apat (4) na sakahanang inilunsad ng ahensiya bilang mga bagong Learning Site for Agriculture (LSA) na magsisilbing katuwang ng DA-ATI CALABARZON sa pagpapalaganap ng makabagong kaalaman at kasanayan sa agrikultura sa pamamagitan ng praktikal na pagkatuto mula sa mga teknolohiya na isinasagawa sa sakahan.
Opisyal na inilunsad noong Agosto 14 ang Jardin Erlinda Events Place Rental bilang LSA I na matatagpuan sa Brgy. Sta. Catalina, San Pablo City, Laguna—ang ikatlong LSA sa lungsod. Dinaluhan ito nina Bb. Nela C. Sotalbo, may-ari ng farm, at G. Renato A. Ignacio, RAgr, kinatawan ng sakahan. Nakiisa rin si Bb. Abegail F. Agnes, City Agriculturist ng San Pablo, gayundin ang Sangguniang Barangay ng Sta. Catalina, sa pangunguna ni Kap. Damaso B. Brion, bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa lungsod.
Samantala, mas mapapalawak din ang akses ng mga magsasaka sa mga makabagong teknolohiya sa pagniniyog sa pamamagitan ng paglunsad sa Bantoc Coconut Farm bilang Coconut-based LSA (Coco LSA I) at pagkilala sa extension site ng Rallos Integrated Farm bilang LSA I noong Agosto 12.
Matatagpuan ang dalawang LSAs sa Brgy. Liwayway at Brgy. Santol, Mauban, Quezon, at magsisilbing sentro ng pagkatuto para sa mga magsasaka, agricultural extension workers (AEWs), at iba pang katuwang sa sektor. Dumalo sa aktibidad sina Bb. Jolita Carandang, Bb. Maristhel Rallos, at G. Werner Decena, RAgr, Municipal Agriculturist ng Mauban, Quezon—bilang hudyat sa pagsisimula ng limang taong pagtutulungan sa pagsusulong ng serbisyong pang-ekstensyon sa bayan.
Nito namang Agosto 3, inilunsad din ng DA-ATI CALABARZON ang nee.yo.G Carefarm and Sanctuary Learning Center bilang isa ring Coco LSA—ang kauna-unahang Coco LSA sa San Andres, Quezon. Magsisilbi rin itong expansion site ng MoCa Family Farm RLearning Center, Inc. (isang Private Agriculture and Fisheries Extension Service Provider) na patuloy na nagpapakita ng kanilang dedikasyon sa pagpapalawak ng de-kalidad na agricultural extension at hands-on learning para sa mga komunidad.
Nakiisa sa aktibidad sina Bb. Nonica Clarin ng MoCa, at mga kinatawan mula sa Lokal na Pamahalaan ng San Andres, sa pangunguna ng Pambayang Agrikultor na si G. Allan Ray Abesamis, RAgr; Philippine Coconut Authority (PCA) Quezon II, at Department of Trade and Industry (DTI) bilang suporta sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa bayan.
Inaasahang magbibigay ng inspirasyon ang apat na modelong farm sa mas marami pang magsasaka at kabataang nais matuto, magbahagi ng kaalaman, at maging katuwang sa pagpapaunlad ng agrikultura sa CALABARZON.
Ulat ni: Archie C. Linsasagin