2025 L&D Activity: Pagkakaisa, Pagpapabuti sa Serbisyo Publiko, at Tagumpay ng ATI CALABARZON

Mon, 07/21/2025 - 17:56
LND

Matagumpay na isinagawa ang limang araw na Learning & Development Activity ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON na “Excellence in Action: Enhancing Staff Work and Team Cohesion through Best Practices” mula Hulyo 14-18, 2025 sa Western Visayas.

Unang bahagi ng aktibidad na ito ang pakikipagpalitan ng best practices at mapaigting ang ugnayan sa pagitan ng dalawang Regional Training Centers (RTCs), ang ATI CALABARZON at ATI Western Visayas, na ginanap noong Hulyo 14.

Pangalawang bahagi ay ang pagsasagawa ng ‘ATI EnGAgE: Completed Staff Work’ na may layuning bigyang-diin ang kahalagahan nito bilang kasangkapan sa pagpapabuti ng kalidad ng serbisyo at mas sistematikong pagtugon sa mga tungkulin sa opisina.

“Naipaalala ulit nito ang kahalagahan ng work ethics bilang bahagi tayo ng gobyerno. Naipaalala rin nito kung gaano kalaking responsibilidad ang mayroon tayo sa ating mga trabaho na dapat nating pahalagahan para sa mas kalidad na serbisyo,” wika ni G. Ric Alfred Herrera sa natapos na dalawang araw na Completed Staff Work noong Hulyo 14-15.

Pangatlong bahagi ng aktibidad ang ‘Team Building Activity na Alliance. Teamwork. Interaction: DA-ATI CALABARZON’s The Amazing Race – Season 2’ na ginanap noong Hulyo 15. Layunin naman ng gawain na ito na paigtingin at mapalalim ang pagtutulungan, tiwala, at malasakit sa bawat isa upang maging pundasyon ng mahusay na pamamahala at epektibong serbisyo publiko.

“Ang isinagawang team building ay naging makabuluhan at masaya. Sa kabila ng mga laro at bonding activities, mas napatunayan naming mahalaga ang pagkakaroon ng tiwala, komunikasyon, at kooperasyon sa bawat isa. Ang mga challenges na aming hinarap ay nagsilbing paalala na sa kahit anong sitwasyon—mapa-trabaho man o personal—mas madaling maabot ang tagumpay kapag may pagkakaisa,” saad ni Bb. Kathlyn Paladin.

Kasabay ng paligsahang ito ang pagbisita sa Ati Village sa Malay, Aklan, at nagsagawa ng outreach activity kung saan namahagi ng hygiene kits ang mga kawani ng ATI CALABARZON bilang pagpapakita ng malasakit at pakikiisa sa komunidad.

Huling bahagi ng aktibidad ang pagsasagawa ng pagtatasa sa pamamagitan ng Charting Progress towards Organizational Goals: FY 2025 Midyear Performance Assessment and Internal Planning Workshop. Ang aktibidad na ito ay naglalayon namang suriin ang mga isinagawang pagsasanay at iba pang gawaing pang-ekstensyon ng ATI CALABARZON sa unang semestre ng taon. 

Masusi ring tinalakay ang mga hamon na kinaharap at mga estratehiya na ipinatupad upang makamit ang mga itinakdang gawain sa unang anim na buwan ng taon.

Bahagi rin ng gawain ang pagkilala sa mga kontribusyon ng bawat isang kawani ng ahensya, kabilang ang pagkilala ang mga natatanging kawani na nagpamalas ng hindi matatawarang dedikasyon sa trabaho.

Sa pagtatapos ng limang araw na aktibidad na ito, taos-pusong nagpasalamat si DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando Maningas sa mga kawani at nag-iwan ng hamon na ipagpatuloy ang pagbibigay ng buong suporta at serbisyo para sa lahat ng mga pinaglilingkuran sa rehiyon.

 

Ulat ni: Jaypee V. Patricio (Administrative Officer IV / AFU)

 

 

article-seo
bad