Mas pagtitibayin ang kaalaman, kasanayan, at oportunidad ng mga magsasaka sa lalawigan ng Quezon sa paglulunsad ng dalawang bagong Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Centers sa mga bayan ng Burdeos at Infanta noong Pebrero 4-5, 2026.
Ang mga bagong pasilidad ay magsisilbing tulay sa kaalaman at teknolohiya na mag-uugnay sa mga magsasaka, mangingisda, at mga institusyong nagbibigay-serbisyo sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Sa bayan ng Burdeos, pormal na binuksan ang FITS Center sa pangunguna nina Municipal Mayor Gina Gonzales, Vice Mayor Romulo Puti Avila, at Municipal Agriculturist Liza Huerto. Dinaluhan ito ng mga lokal na magsasaka na agad na nakinabang sa pamamahagi ng Information, Education, and Communication (IEC) materials—isang hakbang upang palawakin ang kaalamang teknikal sa komunidad. Nakibahagi rin ang Southern Luzon State University (SLSU) sa pangunguna ni Campus Director Violeto Coronacion ng SLSU Infanta, na nagpapakita ng aktibong papel ng akademya sa pagpapalakas ng kaalamang pang-agrikultura sa lokal na antas.
Kasunod nito, inilunsad din ang FITS Center sa bayan ng Infanta sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan, sa pangunguna nina Vice Mayor Manny America at Municipal Agriculturist Carmelo Francia. Nakiisa sa aktibidad ang mga kinatawan ng SLSU at si Municipal Agriculture and Fisheries Council (MAFC) Pres. Nilo Laviña, bilang patunay ng malawak na suporta ng iba’t ibang sektor sa inisyatibang ito.
Binigyang-diin ni DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando Maningas na ang FITS Centers ay hindi lamang pisikal na pasilidad kundi mga “sentro ng ugnayan” para sa mga magsasaka at mga haligi ng ekstensyon, kung saan nagtatagpo ang tama, angkop, at napapanahong teknolohiya, serbisyong teknikal, at inobasyong direktang tumutugon sa pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda.
Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng network ng FITS Centers sa lalawigan, bago ang paglulunsad sa Infanta, binisita rin ng DA-ATI CALABARZON ang FITS Center sa bayan ng Polillo, sa pangunguna nina Municipal Agriculturist Christopher Astejada at Agricultural Technologist Jean Matias, upang masuri ang operasyon ng pasilidad at higit pang mapalakas ang koordinasyon at suporta sa lokal na antas.
Sa pamamagitan ng Techno-Gabay Program (TGP) ng DA-ATI CALABARZON, ang mga bagong FITS Centers sa Burdeos at Infanta ay inaasahang magiging mahalagang haligi sa pagpapalakas ng lokal na agrikultura’t pangisdaan—mula sa pagpapalaganap ng kaalaman hanggang sa pagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa produktibo, matatag, at napapanatiling kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa Quezon.
Ulat ni: Eloisa A. Mariano (Technical Support Staff IV / ISS)