Matagumpay na idinaos ang ika-72 na 4-H National Farm Youth Convention na dinaluhan ng mga kabataang lider mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Ginanap ito sa Camp Benjamin, Alfonso, Cavite, mula Setyembre 3-5, 2025.
Layunin ng pagtitipon na paigtingin ang kakayahan, kaalaman, at dedikasyon ng kabataang Pilipino sa pagpapaunlad ng modernong agrikultura, at kilalanin ang kanilang mahalagang papel sa pagsusulong ng sektor.
Sa temang “HARVEST through the 4-H Milestone: Harnessing Agricultural Resilience through Vision, Education, Sustainability, and Technology,” ipinamalas ng mga delegado ang diwa ng 4-H bilang haligi ng isang mas matatag, makabago, at masaganang kinabukasan para sa sektor ng agrikultura.
Sa pagbubukas ng programa, nagbigay ng mensahe si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel, Jr. sa mga kabataan, kung saan hinimok niya ang mga ito na ipagpatuloy ang kanilang mahalagang papel sa pagpapaunlad ng bansa sa pamamagitan ng agrikultura. Nagpahayag din ng mainit na suporta si DA-Agricultural Training Institute (ATI) Deputy Director Antonieta Arceo bilang kinatawan ni DA-ATI Director IV Remelyn Recoter, at nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagtutulungan at inobasyon para sa kinabukasan ng agrikultura.
Bilang host region ng pagdiriwang, buong-puso at mainit na tinanggap ng DA-ATI CALABARZON ang mga kalahok sa pamamagitan ng pambungad na mensahe ni Center Director Dr. Rolando Maningas, at ng mensahe ng pagtanggap ni Bb. Sherylou Alfaro, Assistant Center Director ng ahensya.
Kasama ring nagbigay ng mensahe sina Alfonso Vice Mayor Madona Mojica-Pel, at G. Jeffrey James Salamat bilang kinatawan ni Mayor Randy Salamat. Nagpaabot din ng pagbati si Gov. Francisco Gabriel Remulla sa pamamagitan ni Engr. Anna Pamela Cruz na OIC-Provincial Agriculturist ng Cavite; gayundin si Cavite 8th District Board Member Jasmin Angelli Bautista, sa pamamagitan ni Bb. Glaiza Maligaya.
Idinaos naman sa ikalawang araw ang serye ng 4-H Talks, Buzz Sessions, at Agri-Innovation Pitching na naglalayong linangin ang kakayahan ng kabataan sa pamumuno at inobasyon, na sinundan ng Candle Lighting Ceremony at makulay na Governor’s Night.
Sa pagtatapos ng programa, personal na dumalo DA-ATI Dir. Recoter, na nagbigay-inspirasyon sa mga kabataang kalahok sa pamamagitan ng isang mensahe.
“We call on you (4-H Club members) to take continuous action to lead, empower, and initiate local initiatives that break outdated perceptions about agriculture, transforming it into a field of opportunity and innovation,” ani Dir. Recoter.
Dumalo rin si DA-ATI CALABARZON Asst. Center Dir. Alfaro, na nagpakita ng mainit na suporta sa pangwakas na programa.
Sa pagtatapos ng 4-H Convention 2025, bitbit ng bawat kalahok ang bagong inspirasyon, mas matibay na determinasyon, at dagdag na kaalaman na magsisilbing gabay sa kanilang patuloy na paglilingkod sa komunidad at pagpapaunlad ng agrikultura sa bansa.
Ulat ni: Roland Gari B. Vargas (MPS II / ISS) at Ric Jason Arreza (DMO II / CDMS)