15 AEWs sa CALABARZON at Bicol, Handa nang maging Tekniko ng Artificial Insemination

Sat, 08/30/2025 - 08:06
AIPD

 

Sa hangaring mapalakas ang produksyon at pangkabuuang industriya ng kalabaw, handa nang maging Artificial Insemination (AI) technicians ang 15 Agricultural Extension Workers (AEWs) mula sa CALABARZON at Bicol na nagtapos sa 26-araw na Herding Fertility: Basic Training Course in Artificial Insemination (AI) and Pregnancy Diagnosis (PD) for Large Ruminants.

Sa pangunguna ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, katuwang ang DA-Philippine Carabao Center (PCC) - University of the Philippines Los Baños (UPLB), ginanap ang pagsasanay mula Agosto 4-28, na pangunahing isinagawa sa UPLB, Laguna. 

Bahagi rin ng programa ang iba’t ibang practicum ng mga kalahok sa mga bayan ng San Francisco, Catanauan, at Lopez sa Quezon, kung saan matagumpay nilang ipinamalas ang kanilang mga natutuhan sa AI at PD.

Kinilala naman ang anim na kalahok na nagkamit ng matataas na marka sa mga praktikal na pagsasanay at pagsusulit. Nanguna rito si Jo Anthony Dacar na sinundan naman ni Renato Ollano Jr. Pumangatlo naman si Dondie Ribay; habang nasa ikaapat na ranggo sina Gerald Luna at Shawn Lauren Ramos at panlima si Elmer Dasco Jr. 

“Nawa’y ang pagsasanay ay magsilbing simula ng mas makabuluhan at mas maayos na programa para sa kalabawan sa ating mga lugar. Dalangin ko na ang bawat isa sa atin ay maging instrumento ng pagbabago at kaunlaran, at sama-sama nating maiangat ang industriyang ito,” pahayag ni Van Jerone Tabajonda, isa sa mga kalahok mula sa Lumban, Laguna.

Nagbigay ng mensahe ng inspirasyon sina G. Noel Delmiguez, Regional AI Coordinator ng DA Bicol; G. Michael Roma na kinatawan ng DA CALABARZON; at Dr. Thelma Saludes, Agricultural Center Chief IV ng DA-PCC UPLB, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagpapatibay ng kasanayan upang higit na mapalago ang industriya ng pagpaparami ng kalabaw.

Sa kanyang pangwakas na mensahe, nagpaabot ng taos-pusong pagbati at pasasalamat si Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, sa lahat ng naging bahagi ng matagumpay na pagsasanay.

 

Ulat ni: Archie C. Linsasagin (Information Officer II / ISS)


 

article-seo
bad