Ipinagdiwang ng bayan ng San Antonio, Quezon ang Araw ng mga Magsasaka, kasabay ng paggunita sa ika-68 anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan na may temang “Patatagin ang Pagkakaisa: 68 na Tayo!”
Sa nasabing pagdiriwang, iginawad ng Pamahalaang Bayan ng San Antonio, sa pamamagitan ni Mayor Erik Wagan, ang Plake ng Pagkilala sa DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON bilang katuwang na ahensya sa pagpapatupad ng agricultural extension services para sa mga magsasaka sa bayan.
“Mga minamahal naming magsasaka, ang inyong dedikasyon at sipag ang pundasyon ng matatag na pamayanan. Kaya naman, patuloy kaming nakikiisa sa inyong laban at sa inyong adhikain. Sama-sama nating isulong ang makabagong agrikultura—isang agrikulturang may pagkakaisa, may malasakit, at may pag-asa para sa lahat,” mensahe ni Center Director Dr. Rolando Maningas na ipinabatid sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si G. Ric Jason Arreza.
Sa pangunguna ni Bb. Jennifer Lindo-Cusi, Municipal Agriculturist, patuloy na kabilang ang San Antonio sa mga aktibong benepisyaryo ng mga programa at proyekto ng DA-ATI CALABARZON—mula sa mga pagsasanay hanggang sa mga inisyatibang pang-agrikultura na naglalayong paunlarin ang kabuhayan ng mga magsasaka sa lugar.
Ulat ni: Ric Jason T. Arreza (DMO II / CDMS)