Solusyong nakabatay sa datos at aktuwal na pangangailangan ng sektor—ito ang ninanais ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa patuloy na pagsasagawa nito ng ATI EnGAgE (Enhancing Governance in Agri-fishery Extension) na nagsusulong sa patuloy na paglikha ng inobasyon para sa mga gawaing pang-ekstensyon sa agrikultura at pangisdaan.
Sa ikalimang taon ng ATI EnGAgE, muling ipakikita ng mga kawani ng DA-ATI CALABARZON ang kultura ng kolaborasyon, malikhain ngunit praktikal na pagbuo ng solusyon, at hangaring makaambag sa pagpapaunlad ng sektor sa pamamagitan ng ATI EnGAgE: Innovation and Project Pitching Activity 2026.
Bilang unang bahagi nito, mas naunawaan ng mga kawani ng DA-ATI CALABARZON ang layunin ng aktibidad at mga salik na mahalagang ikonsidera sa pagbuo ng solusyon sa pamamagitan ng Technical Guidance Session on Data Analysis, Creative Problem-Solving, and Co-Creation of Solutions in the Agriculture and Fisheries Extension (AFE) Sector noong Hulyo 24, 2026, sa DA-ATI CALABARZON 4H Learning Hub, Trece Martires City, Cavite. Layon nitong ihanda ang mga kawani sa pagbuo ng mga makabago, nakabatay sa datos, at nakatuon sa resulta na mga proyekto upang matiyak na napapanahon ang mga ito at tumutugon sa pangangailan.
Nagsilbing tagapagsanay sa aktibidad si Dr. Almira G. Magcawas, Consortium Director ng Southern Tagalog Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development Consortium (STAARRDEC). Sa pamamagitan ng mga talakayan at workshop, ibinahagi niya ang mahahalagang kaalaman tungkol sa konteksto ng kaunlaran, kahalagahan ng paggamit ng datos sa pagpaplano, at batayan sa malikhaing pagbuo ng mga proyekto.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang mga kawani na isabuhay ang mga natutuhan mula sa pagsasanay sa mga bubuuing proyekto. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapaigting ng kultura ng inobasyon, kolaborasyon, at patuloy na pagkatuto upang higit pang mapahusay ang kalidad at pagiging epektibo ng mga programa at serbisyong pang-ekstensyon ng ahensya.
Samantala, kasunod ng pagsasanay ang Mini Pitching and Project Refinement na isasagawa mula Agosto 3-14, 2026, kung saan higit pang lilinangin ng mga kalahok ang kanilang mga konsepto sa tulong ng mga teknikal na rekomendasyon at gabay ng pamunuan ng DA-ATI CALABARZON. Magtatapos naman ang programa sa ATI EnGAgE: Quantifying Innovations: Final Pitching and Culmination sa Agosto 28, 2026, kung saan ihaharap at susuriin ang mas pinahusay na panukalang proyekto ng mga kawani.
Sa pamamagitan ng ATI EnGAgE, nabibigyan ang mga kawani ng pagkakataong palawakin ang kanilang kaalaman, hasain ang kanilang kakayahan, at makabuo ng mga makabuluhang solusyon. Mas pinatitibay rin nito ang mandato ng ahensya na maghatid ng mas makabago, epektibo, at sustenableng mga programa para sa patuloy na pag-unlad ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa CALABARZON.
Ulat ni: Roland Gari B. Vargas