Inobasyon at Solusyong Tumutugon sa Pangangailangan sa Ekstensyon, Patuloy na Isinusulong sa Ika-5 Taon ng ATI EnGAgE

Wed, 09/09/2026 - 13:39
ATI EnGAgE 2026

 

Solusyong nakabatay sa datos at aktuwal na pangangailangan ng sektor—ito ang ilalayon ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa patuloy na pagsasagawa nito ng ATI EnGAgE (Enhancing Governance in Agri-fishery Extension) na nagsusulong sa patuloy na paglikha ng inobasyon para sa mga gawaing pang-ekstensyon sa agrikultura at pangisdaan.

Sa ikalimang taon ng ATI EnGAgE na may temang “Co-creating Solutions for the Advancement of AF Extension,” muling ipinakita ng mga kawani ng DA-ATI CALABARZON ang kultura ng kolaborasyon, malikhain ngunit praktikal na pagbuo ng solusyon, at hangaring makaambag sa pagpapaunlad ng sektor sa pamamagitan ng ATI EnGAgE: Innovation and Project Pitching Activity 2026.

Bilang bahagi ng programa, nagkaroon ng mas malalim na pag-unawa ang mga kawani ng DA-ATI CALABARZON sa mga pangangailangang pangkaunlaran sa sektor at kung paano lilikha ng mga plano at solusyon para dito. Sa pamamagitan ito ng Technical Guidance Session on Data Analysis, Creative Problem-Solving, and Co-Creation of Solutions in the Agriculture and Fisheries Extension (AFE) Sector na isinagawa noong Hulyo 24, 2026.

 

Kasunod nito, nagsagawa rin ng Mini Pitching and Project Refinement noong Agosto 3-14, 2026, kung saan higit pang nilinang ng mga kalahok ang kanilang mga konsepto sa tulong ng mga teknikal na rekomendasyon at gabay ng pamunuan ng DA-ATI CALABARZON. 

 

Bilang pagtatapos ng aktibidad, isinagawa ang Final Pitching and Culmination noong Agosto 28, 2026, sa DA-ATI CALABARZON Training Hall sa Trece Martires City, Cavite, kung saan iniharap at sinuri ang mas pinahusay na mga panukalang proyekto ng mga kawani. 

 

Nagsilbing plataporma ang aktibidad upang mailahad ng mga kawani ng DA-ATI CALABARZON ang kanilang mga makabagong konsepto ng proyekto na naglalayong tugunan ang mga umuusbong na pangangailangan, pagbutihin ang mga sistemang pang-organisasyon, at higit pang palakasin ang paghahatid ng mga serbisyong pang-ekstensyon sa sektor ng agrikultura at pangisdaan. 

 

Sa kabuuan, sampung (10) konsepto ng proyekto ang itinampok na sumasaklaw sa pagpapaunlad ng kabataan, agrikultura at nutrisyon, digitisasyon ng mga sistema, real-time monitoring, pamamahala ng yamang-tao, napapanatiling agrikultura, at paggamit ng teknolohiya sa pagkatuto. Inilahad ang konsepto ng mga proyekto sa pamamagitan ng mga sumusunod na project pitchers:

 

  • ATI-TraCE: Automated Tracking and Information System for Transparency, Compliance, and Execution - Christen Matthew C. Buena
  • Smart Ag X: Evolving DA-ATI CALABARZON into a Smart Agriculture Extension - Engr. Cyrene R. Mojica
  • AgriGeNext: Youth Resource Person Development Program - Cyril Kendall S. Alfaro, RAgr
  • Human Resource Information System (HRIS) - Niña Theresa Rogacion
  • LSA QuickFind: One Search, One Dashboard, Smarter Decisions - Carmin Cayetano, RAgr
  • Rooted in Sustainability: Advancing Agro-Enterprise for the Majayjay Organic Farmers Association - Jannah I. Sarvida, RAgr
  • CFIDP Real-time Monitoring Dashboard - Adrian M. Averion, RAgr
  • Cocobataan: A Youth Program Harmonization, Innovation, and Enterprise Convergence Initiative - Hans Christopher C. Flores, RAgr
  • TANIM Game App: Technology-enabled Agricultural Navigation through an Interactive Learning Modality - Janine L. Cailo, RAgr
  • ANI Garden: Agriculture and Nutrition Initiative (ANI) for Mothers and Children during the First 1,000 Days - Cristine Jan F. Beler, RAgr

 

Bilang pagkilala sa natatanging pagpapakita ng husay sa paghahain ng konsepto ng proyekto, kinilala si Bb. Cristine Jan Beler, RAgr mula sa Information Services Section (ISS) bilang Best Project Pitcher.

 

Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe si Center Director Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, kung saan hinikayat niya ang mga kalahok na patuloy na paunlarin ang kanilang mga konsepto at isaalang-alang ang mga ito bilang mga inisyatibang maaaring makatulong sa higit pang pagpapahusay ng mga programa, sistema, at serbisyong pang-ekstensyon ng ahensya.

 

Sa pamamagitan ng ATI EnGAgE, patuloy na isinusulong ng DA-ATI CALABARZON ang kultura ng inobasyon, pakikipagtulungan, at sama-samang pagbuo ng mga solusyon sa hanay ng mga kawani nito tungo sa mas episyente, makabago, at tumutugong paghahatid ng mga serbisyong pang-extension sa agrikultura at pangisdaan.

 

Ulat ni: Archie C. Linsasagin

 

 

article-seo
bad