Epektibong Pagtugon sa mga Sakit ng Hayop, Tiniyak sa Pagsasanay para sa 25 Frontline Personnel sa CALABARZON

Mon, 03/30/2026 - 17:18
Animal Sample Management

 

Bilang tugon sa bago at umuusbong na mga sakit ng hayop, dalawampu’t limang (25) livestock frontline personnel sa CALABARZON ang sinanay sa isinagawang Strengthening Agricultural Safeguards: Training of Frontline Personnel on Animal Sample Management in Response to Emerging and Re-emerging Notifiable Disease (Batch 2) noong Marso 25-27, 2026.  

Naisakatuparan ang programa sa pagtutulungan ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, DA-Regional Field Office CALABARZON, at DA-Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) CALABARZON. 

Sumailalim ang mga kalahok sa isang hands-on practicum sa DA-Agricultural Program Coordinating Office (APCO) IV-A, kung saan pinalalim ang kanilang kasanayan sa pagsasagawa ng sample collection, labeling, packaging, at transport—alinsunod sa standard protocols. 

Kasabay nito, hinasa rin ang kanilang kaalaman sa rabies awareness bilang mahalagang hakbang sa maagang deteksyon at pagpigil sa pagkalat ng mga nakahahawang sakit. 

“Dahil sa training, mas na-emphasize ang mahalagang papel ng wastong pagkolekta, handling, at transport ng mga sample para ma-ensure na wasto at reliable ang laboratory result. Ipinakita rin dito na kahit maliit na lapses ay maaaring magdulot ng kontaminasyon at makaapekto sa kabuuang diagnosis,” pahayag ni Dr. Aldrin Jae I. Ornales, kalahok mula sa City Veterinary Office ng Calaca City, Batangas.

“Itinuro din sa training kung paano natin mape-perform ang ating trabaho nang at the same time ay less stressful sa mga hayop at na siguro ang kaligtasan natin mula sa iba’t ibang hazards,” dagdag pa niya.

Sa pagtatapos ng programa, naghatid ng mensahe si Bb. Vira Elyssa Jamolin, CDMS Chief, bilang kinatawan ni Center Director Dr. Rolando Maningas. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagsasanay bilang tugon sa mga banta sa industriya ng paghahayupan. Nagpaabot naman ng kanyang suporta at pagbati si Dr. Maningas sa pamamagitan ng isang video message.

Sa pamamagitan ng mga bagong kasanayang natutunan ng mga frontline personnel, masisiguro ang mabilis at wastong pagtugon ng rehiyon sa anumang banta ng sakit sa mga hayop tungo sa isang mas ligtas at matatag na industriya sa CALABARZON.

 

 

Ulat ni: Archie C. Linsasagin (ISS)

 

article-seo
bad