Upang matiyak ang tagumpay ng mga lokal na magsasaka sa organikong agrikultura, muling nagsagawa ang DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, katuwang ang DA-Regional Field Office IV-A, ng isang masinsinang Coaching and Mentoring (C&M) Sessions for Aspiring Participatory Guarantee System (PGS) Groups noong Hunyo 10-11, 2026, sa pamamagitan ng online platform na Zoom.
Ang dalawang araw na gawain ay dinaluhan ng mga miyembro ng tatlong nagnanais na maging sertipikadong PGS Core Groups sa rehiyon: ang Samahan ng Magsasaka ng Tayabas sa Yamang Organiko (SAMATAYO) PGS Group mula sa Tayabas City, Quezon; ang Sto. Tomas-Tanauan PGS Group mula sa Sto. Tomas City at Tanauan City, Batangas; at ang MARIWSKA PGS Group mula sa Antipolo City, Rizal.
Bahagi ang hakbang na ito ng serye ng mga tuloy-tuloy na interbensyon ng DA-ATI CALABARZON at DA-RFO IV-A na nagsimula pa noong 2023 sa pamamagitan ng Training of Trainers (TOT) on PGS, at ang pagsailalim ng mga naturang grupo sa paunang C&M sessions noong nakaraang taon bilang paghahanda sa ginawang Pre-Inspection ng DA-Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS).
Kasunod ng mga inilabas na findings at mga rekomendasyon ng DA-BAFS matapos ang kanilang pre-inspection, muling nag-organisa at tumugon ang DA-ATI CALABARZON sa pangangailangan ng tatlong grupo na magkaroon ng panibagong C&M sessions upang tuluyan silang maihanda sa paparating na Final Inspection. Nagsilbing mga eksperto at gabay sa dalawang araw na sesyon sina G. Arnaldo Gonzales, RAgr, mula sa DA-RFO IV-A; at Bb. Karina Andrea Alforte mula sa ARTFarm Sustainable Solutions, na kasalukuyan ding Kalihim ng Samahan ng Organikong Industriya ng Laguna (SOIL)—isang matagumpay at akreditadong PGS Group sa Laguna.
Sa aktibidad, binigyang-diin ng mga mentor ang mga kritikal na aspeto ng paghahanda para sa pagbisita ng DA-BAFS tulad ng peer review and certification protocols, certification checklist, maayos na PGS recordkeeping at traceability, at ang pagpapatatag ng PGS group dynamics.
Samantala, ipinaabot naman ni Center Director Dr. Rolando Maningas, RAgr, ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga kalahok at naghatid ng pagbati para sa tagumpay ng tatlong grupo. Binigyang-diin niya na naipagkaloob na ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang pagsasanay, kaalaman, at teknikal na paggabay, kaya naman katuwang ang DA-RFO IV-A, lubos ang pag-asa ng DA-ATI CALABARZON na bago matapos ang taong 2026 ay tuluyan nang makakamit ng SAMATAYO, Sto. Tomas-Tanauan, at MARIWSKA ang kanilang opisyal na sertipikasyon at akreditasyon bilang mga lehitimong PGS Core Groups.
Ang PGS ay isang inklusibo at abot-kayang mekanismo sa ilalim ng Republic Act 11511 na naglalayong bigyang-kapangyarihan ang mga maliliit na magsasaka sa Pilipinas sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng komunidad sa pagpapanatili ng integridad ng mga organikong produkto.
Ulat ni : Soledad E. Leal