Pinalakas ang kaalaman at kasanayan ng 35 Agricultural Extension Workers (AEWs) mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa CALABARZON sa pamamagitan ng isinagawang Basic Agriculture Extension Course (BAEC) ng Department of Agriculture - Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON sa ilalim ng Rice Program, noong Marso 23-26, 2026, na naglalayong ihanda sila sa epektibong paghahatid ng serbisyong pang-agrikultura.
Layunin ng BAEC na palalimin ang pag-unawa ng mga kalahok sa agricultural extension bilang mahalagang instrumento sa pagpapaunlad ng mga komunidad ng magsasaka. Nakatuon ito sa paghubog sa mga AEWs bilang mahusay na tagapagpadaloy ng kaunlaran sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang kritikal na pag-iisip, kakayahan sa paglutas ng problema, at kasanayan sa komunikasyon para sa pagbibigay ng makabuluhan at inklusibong serbisyo.
Dumalo sa pagsasanay ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan at lalawigan sa rehiyon. Tinalakay sa pagsasanay ang iba’t ibang paksa na mahalaga sa larangan ng extension work, kagaya ng Personal Awareness and Self-Mastery, kung saan hinikayat ang mga kalahok na mas kilalanin ang kanilang sarili. Sa Basics of Agricultural Extension, tinalakay ang kasaysayan, prinsipyo, at mga sistema nito, pati na rin ang mga kasalukuyang trend at hamon sa larangan.
Ipinakilala rin sa mga kalahok ang iba’t ibang extension approaches, strategies, at methods, gayundin ang Communication in Extension, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng epektibong komunikasyon sa pakikipag-ugnayan sa mga magsasaka at iba pang stakeholder.
Nagtapos ang pagsasanay sa Community Work, kung saan tinalakay ang social mobilization, community engagement, at mga praktikal na hakbang sa pagpapatatag ng ugnayan sa komunidad.
Pinangunahan ang mga sesyon ng mga resource persons mula sa DA-ATI CALABARZON na sina Bb. Marian Lovella A. Parot, G. Ric Jason Arreza, Bb. Soledad E. Leal, G. Roy Roger D. Victoria, at Bb. Vira Elyssa L. Jamolin, na nagbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan sa larangan.
Nagpahayag ng pasasalamat at pagbabahagi ng karanasan si Ms. Trizha Airylle Arevalo mula sa LGU Sta. Cruz, Laguna.
“Malaking bagay po ito sa amin, at lubos naming pinahahalagahan ang oras at effort na ibinigay ninyo upang ma-guide kami. Hindi lang kami natuto, nagkaroon din kami ng pagkakataon na magpalitan ng ideas at insights, at makabuo ng connections at friendships,” aniya.
Dagdag pa niya, naging inspirasyon din sa kanya ang mga beteranong extension workers na patuloy na bukas sa pagkatuto at pag-unlad.
Sa kanyang pangwakas na mensahe, hinikayat ni Center Director Dr. Rolando V. Maningas, RAgr ang mga kalahok na isabuhay ang kanilang mga natutunan.
“Umaasa kami na ang mga kaalaman, kasanayan, at karanasang inyong natamo sa pagsasanay na ito ay magagamit ninyo sa inyong mga komunidad. Nawa’y magsilbi itong inspirasyon upang lalo pang mapabuti ang ating serbisyo at mas epektibong matulungan ang ating mga magsasaka at iba pang stakeholder sa agrikultura,” aniya.
Samantala, ipagpapatuloy ang implementasyon ng BAEC sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP), kung saan lalahok ang mga AEWs mula sa mga prayoridad na munisipalidad upang higit pang mapalakas ang paghahatid ng serbisyong pang-agrikultura sa kanayunan.
Ulat ni: Eloisa A. Mariano (ISS)