Upang mas maraming maabot na mga kabataang lalahok sa Youth Internship Program for Children of Coconut Farmers - Batch 2, mas pinalalakas ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang pagbibigay-alam tungkol sa programa sa pamamagitan ng iba’t ibang serye ng oryentasyon ngayong Enero.
Nauna nang isinagawa ng ahensya ang online na oryentasyon noong Enero 15, at nakatakda naman ang mga information campaign sa Trece Martires City, Cavite; Lucena City, Lopez, at San Andres, Quezon; at Alaminos, Laguna sa Enero 26-28.
Ang Youth Internship Program for Children of Coconut Farmers ay isang specialized internship program sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).
Sa pamamagitan nito, magsasanay sa loob ng 21 buwan ang mga kabataang anak ng magniniyog, kung saan paghuhusayin ang kanilang kaalaman, kasanayan, at pagpapahalaga sa iba’t ibang teknolohiya sa pagniniyog at pagnenegosyo. Bubuo rin ang mga intern ng isang business/enterprise plan na kanilang ipatutupad gamit ang panimulang kapital mula sa DA-ATI CALABARZON.
Idinisenyo ang programa upang hikayatin ang mga kabataan na pahalagahan at yakapin ang modernong pamamaraan sa pagniniyog, habang hinahasa ang kanilang kakayahan sa aktwal na pagsasaka at pagnenegosyo. Sa pamamagitan nito, inaasahang magiging aktibong katuwang ang mga intern sa pagpapaunlad ng industriya at sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa rehiyon.
Katuwang ng DA-ATI CALABARZON ang mga farm partner sa rehiyon kung saan ide-deploy ang mga intern. Dito sila magkakaroon ng hands-on na karanasan sa bukid at aplikasyon ng mga teoretikal na kaalamang kanilang natutuhan. Ang ganitong sistema ng pagkatuto ay nagbibigay-daan upang mas mapalalim ang kanilang kaalaman sa pamamahala ng taniman ng niyog, paggamit ng angkop na teknolohiya, at pagbuo ng mga oportunidad para sa agribusiness.
Upang matiyak ang kalidad at kahandaan ng mga kalahok, itinakda ang sumusunod na mga kwalipikasyon para sa mga interns batay sa pamantayan ng internship program. Ang mga aplikante ay dapat:
- Isang natural-born Filipino citizen;
- Edad 18 hanggang 30 taong gulang;
- Walang asawa;
- Kasalukuyang walang trabaho;
- Anak ng rehistradong magsasaka ng niyog;
- May malinaw na interes na pumasok sa agrikultura;
- Maayos ang kalagayang pisikal at mental; at
- May mabuting reputasyon sa kanilang komunidad.
Samantala, ang mga farm partner na tatanggap at magsisilbing gabay ng mga intern ay kailangang tumugon sa mga itinakdang pamantayan:
- Bagama’t hindi required, mas mainam kung ang sakahan ay Coco Learning Site for Agriculture (LSA) ng DA-ATI;
- May operasyon nang hindi bababa sa isang taon na pumapaloob sa value chain ng niyog, mula produksyon hanggang pagpoproseso at pagnenegosyo;
- May sapat na pasilidad para sa deployment ng hindi bababa sa dalawang interns;
- May mga pangunahing kagamitan at pasilidad sa farm;
- Handang suportahan ang pagkain at tutuluyan ng mga intern; at
- May magandang katayuan sa komunidad.
“Hinihikayat ko po ang mga kabataan na sumali sa mga programa ng CFIDP upang madagdagan ang kanilang kaalaman sa pagtatanim at pagpoproseso ng niyog at pagnenegosyo” ani Jecel Villaflor, intern mula sa Batch 1, na nagbahagi ng kanyang testimonya.
Maaaring bisitahin ang kabuuang alituntunin ng programa, kabilang ang mga requirement, proseso ng aplikasyon, benepisyo, at mga kaakibat na responsibilidad sa: https://ati2.da.gov.ph/ati-4a/content/CFIDPInternship2026.
Tatanggap ang DA-ATI CALABARZON ng aplikasyon hanggang Enero 30, 2026.
Ulat ni: Alfredo G. Torres, Jr. (Technical Support Staff IV / ISS)