Angkop na Teknolohiya sa Produksyon ng Niyog, Palalaganapin ng mga Sinanay na AEWs

Wed, 09/09/2026 - 13:10
COCO101

 

Mas pinagtibay ang kakayahan ng mga Agricultural Extension Worker (AEW) sa paghahatid ng teknolohiya at serbisyong pang-ekstensyon para sa industriya ng pagniniyog sa matagumpay na pagtatapos ng una at ikalawang pangkat ng COCO 101: Basic Coconut Production Training for Agricultural Extension Workers, na isinagawa sa pangunguna ng DA - Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, katuwang ang Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A.

Idinaos ang unang pangkat ng pagsasanay noong Agosto 3-7, 2026 sa Ouan’s Worth Farm and Resort, Lucena City, Quezon. Samantala, isinagawa naman ang ikalawang pangkat noong Agosto 10-14, 2026 sa Gintong Bukid Farm and Leisure, Nagcarlan, Laguna.

Sa loob ng limang araw, nagkaroon ng mga talakayan at hands-on na aktibidad ang mga kalahok tulad ng seednut selection and preparation, nursery establishment, at coconut seedling potting. Inaasahang maibabahagi ng mga AEW ang mga kaalamang ito sa mga magniniyog sa kani-kanilang lokalidad upang makatulong sa pagpapahusay ng produksyon at kabuhayan. 

Sa pamamagitan ng COCO101, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa produksyon ng niyog upang maging mas epektibo silang katuwang ng mga magsasaka sa pagtugon sa mga hamon at pangangailangan sa mga niyugan.

“Malaki ang naitulong ng training para madagdagan ang aming kaalaman at mas maunawaan ang tamang practices sa coconut production. Marami rin kaming natutunan mula sa lectures at hands-on activities na maaari naming gamitin sa aming trabaho bilang Agricultural Extension Workers. Ipagpapasalamat ko po ang pagkakataong ito at sisiguraduhin kong maibabahagi ko rin ang mga natutunan ko sa aming mga coconut farmers,” ani Allysa Jhenel Arena, isa sa mga kalahok na AEW mula sa Alabat, Quezon.

Mahalaga ang papel ng mga AEW bilang katuwang ng pamahalaan sa paghahatid ng mga teknolohiya, impormasyon, programa, at serbisyo sa mga magsasaka. Dahil dito, ang patuloy na pagpapalakas ng kanilang kapasidad ay mahalagang hakbang upang matiyak na ang mga natutuhang teknolohiya at kaalaman ay nailalapit at naiaangkop sa aktuwal na kalagayan ng mga magniniyog.

Bilang patuloy na pagsuporta sa pagpapalakas sa kakayahan ng mga AEW, dalawa pang pangkat ng COCO101 ang nakatakdang isagawa na magbibigay ng pagkakataon sa mas marami pang AEWs na mapaunlad ang kanilang kaalaman at kasanayan.

Sa pamamagitan ng ganitong aktibidad at pagtutulungan ng mga katuwang na ahensya, isinusulong ang isang mas produktibo, matatag, at sustenableng industriya ng pagniniyog sa CALABARZON.

 

Ulat ni: Jennifer Antiquiera, RAgr


 

article-seo
bad