Bagong kaalaman, kasanayan, at oportunidad sa industriya ng niyog ang baon ng mga kabataang nagtapos sa kauna-unahang edisyon ng COCOBATAAN: Bagong Henerasyon ng mga Cocopreneur, isang inisyatibang naglalayong ihanda sila bilang susunod na henerasyon ng mga magsasaka, agripreneur, innovator, at lider ng industriya.
Sa pamamagitan ng mga talakayan tungkol sa coconut products at by-products at mga hands-on na aktibidad sa pagproseso at paglikha ng mga produktong mula sa niyog, mas nakilala ng mga kalahok ang iba’t ibang posibilidad sa industriya—mula sa produksyon at value-adding hanggang sa pagnenegosyo at innovation.
Pinangunahan ang aktibidad ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON bilang bahagi ng adbokasiya nito na lumikha ng mga inobatibong aktibidad na magpapalakas sa aktibong pakikibahagi ng mga kabataan sa sektor at mas maisulong pa ang industriya sa rehiyon.
Isinagawa ito noong Setyembre 15-17, 2026, sa Ouan's Worth Farm and Family Resort, Lucena City, Quezon — isang Private Agriculture and Fisheries - Extension Service Provider (PAF-ESP) ng DA-ATI CALABARZON.
Naging bahagi rin ng aktibidad ang mga paligsahang nagbigay-daan upang maipamalas ng mga kalahok ang kanilang talento, pagkamalikhain, at kaalaman:
CocoChef: Coconut Culinary Challenge
- Unang Puwesto: Kim Carlo O. Ayo - Atimonan, Quezon
- Ikalawang Puwesto: Vico Aaron F. Enriquez - Tayabas City, Quezon
- Ikatlong Puwesto: Ronnie E. Lontoc - Unisan, Quezon
Likhang Niyog: Coconut Craft Challenge
- Unang Puwesto: Allan Cruzat - Candelaria, Quezon
- Ikalawang Puwesto: Erlito G. Decena Jr. - Unisan, Quezon
- Ikatlong Puwesto: Renz Michael Jonh B. Jordan - Pagbilao, Quezon
CocoQuest: Youth Quiz Challenge
- Unang Puwesto: Radel D. Matibag - Candelaria, Quezon
- Ikalawang Puwesto: Gelo J. Delos Reyes - Sariaya, Quezon
- Ikatlong Puwesto: John Vincent Cabile - Pagbilao, Quezon
- Ikaapat na Puwesto: Christine Cel Lalusin - Candelaria, Quezon
- Ikalimang Puwesto: Karen Q. Faminial - Macalelon, Quezon
“Kami po ay thankful sa programang ito to showcase ‘yung mga talent nating mga kabataan, ‘yung mga creative mindset natin mula sa mga coco craft at coco food na nagawa natin. Patunay na ang kabataang magsasaka ay napaka-creative, at gayundin, napaka-resourceful kasi ‘yung mga coconut sa paligid natin ay nagagawan natin ng bagong innovation. And gusto ko rin pasalamataan ang ATI na nag-conduct ng ganitong programa para sa atin, hopefully next year, mayroon ulit at magkita-kita ulit tayo. ‘Yung mga natutunan natin i-implement natin ‘yan sa ating mga farm at pagyamanin pa,” patotoo ni Kim Carlo Ayo, kabataang Magsasaka Siyentista sa bayan ng Atimonan na nagkamit ng unang puwesto sa Coconut Culinary Challenge.
Sa pangwakas na programa, nagbahagi ng kanilang mensahe sina G. Marvin Mercado, Provincial Young Farmers Coordinator; G. Bibiano C. Concibido Jr., RAgr, Regional Manager ng Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A; at Bb. Sherylou C. Alfaro, RAgr, Assistant Center Director ng DA-ATI CALABARZON, bilang kinatawan ni Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director. Binigyang-diin nila ang mahalagang papel ng kabataan sa pagpapatuloy at pagpapaunlad ng industriya ng niyog.
Sa pagtatapos ng COCOBATAAN, higit sa mga bagong kaalaman at kasanayan ang iniuwi ng mga kalahok—mas malinaw na rin ang mga oportunidad na maaari nilang tahakin sa industriya ng niyog. Sa kanilang mga bagong ideya, pagkamalikhain, at aktibong pakikilahok, naihahanda ang isang bagong henerasyon ng mga cocopreneur na magiging bahagi ng mas makabago at progresibong industriya.