“Hindi lang pala skills ang natutunan ko sa training na ito—natuto rin ako tungkol sa empowerment, pagiging innovative, at ‘yung responsibilidad natin sa komunidad at sa kalikasan.” Ito ang mensahe ni Bb. Bea Llagono sa kanyang mga kapwa kalahok sa isinagawang Training of Trainers on the Production of Coconut Products and By-Products (Non-Food) sa Ouan’s Worth and Family Resort, Lucena City, Quezon noong Marso 23-27, 2026.
Pinangunahan ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang nasabing pagsasanay, sa pakikipagtulungan sa DA-Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A, na naglalayong palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa value-adding ng mga coconut-based non-food product at mga by-product nito, gamit ang angkop na teknolohiya at pamantayan sa de-kalidad na produksyon.
Sa pagbabahagi pa ni Bb. Llagono, “Na-realize ko na ‘yung mga bagay na kadalasang tinatapon lang, maaari palang gawing mga kapaki-pakinabang na produkto tulad ng briquettes, sabon, peat, coir, at mga handicrafts na makakatulong sa kabuhayan at makakapagpabuti ng buhay ng marami.” Kaugnay ito ng layunin ng pagsasanay na maipakita na marami pang oportunidad sa industriya ng pagniniyog ang maaaring makatulong sa pag-angat sa buhay at kita ng mga magniniyog.
Bilang bahagi ng pagsasanay, sumabak ang mga kalahok sa iba't ibang hands-on activities gaya ng paggawa ng sabon at handicrafts gamit ang bao ng niyog. Nagkaroon din ng benchmarking sa SAPAGLAYA MPC sa San Juan, Batangas, kung saan natutuhan ng mga kalahok ang coco coir processing; at mga best practice mula sa M. Ilagan Coconut Trading at Monaco Oil Mill.
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe ng pagsuporta si G. Ramonchito Castillo, OIC-Division Chief I bilang kinatawan ng PCA IV-A, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng patuloy na suporta at pagpapalago ng industriya ng niyog.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, sa lahat ng naging katuwang sa matagumpay na pagsasagawa ng pagsasanay at sa mga kalahok na tunay ngang may malaking bahagi upang epektibong maisakatuparan ang mga hangarin ng pagsasanay at ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).
Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng mga kalahok bilang mga tagapagbahagi ng kaalaman. Kanyang hinikayat ang mga tekniko at magsasaka na isabuhay ang kanilang mga natutunan at ipalaganap ang kaalaman sa kani-kanilang komunidad upang mas maraming benepisyaryo ang makinabang.
Inaasahang ang mga kaalamang nakuha mula sa pagsasanay ay magsisilbing pundasyon upang maging mas matatag at sustenable ang industriya ng niyog, tungo sa masaganang pamumuhay ng mga magniniyog, kanilang pamilya, at pamayanan.
Ulat ni: Ric Alfred M. Herrera (ISS)