Isa sa mga hangarin ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) ang pagpapalakas sa kapasidad ng mga magniniyog sa larangan ng pagnenegosyo upang mas mapataas ang kanilang kita at mapaunlad ang pamumuhay.
Bilang bahagi ng inisyatiba para dito, matagumpay na nagtapos ang 150 magniniyog mula sa mga bayan ng Nagcarlan, Laguna; Pagbilao, Buenavista, at Mulanay, Quezon; at Agoncillo, Batangas sa isinagawang Training on Coconut Farm Business School (FBS) na ginanap sa Lucena City, Quezon noong ika-28 ng Nobyembre.
Layon ng nasabing pagsasanay na palakasin ang kaalaman at kakayahan ng mga magniniyog sa larangan ng agripreneurship, modernong pamamahala ng niyugan, at pagbuo ng mga value-adding enterprise upang higit na mapataas ang kita at produktibidad sa kanilang mga sakahan.
Sa loob ng 10 araw na pagsasanay, tinalakay sa mga kalahok ang mga mahahalagang paksa tulad ng farm business planning, cost and return analysis, value chain upgrading, contract farming, at pagbuo ng sustenableng coconut-based enterprise.
Ang pagtatapos ng 150 magniniyog ay patunay ng lumalakas na suporta at interes ng komunidad sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa CALABARZON.
Binigyang-diin din na ang Coco FBS ay hindi lamang nakatuon sa teknikal na kaalaman, kundi sa pagbibigay inspirasyon sa mga magniniyog upang maging mas maalam na negosyante sa sariling sakahan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga kalahok sa oportunidad na maipagpatuloy ang kanilang pagkatuto at makakuha ng bagong perspektiba sa pamamahala ng niyugan. Kinikilala nila ang malaking ambag ng programa sa pagpapalakas ng kanilang kabuhayan at sa pagpapalago ng industriya sa kani-kanilang bayan.
“We were enlightened about having a farm business that will help us uplift our standard of living, if we put our hearts and mind in using the resources that sometimes we only take for granted. We enjoyed doing the market survey and the benchmarking activities, which for me are really informative,” ani Bb. Guillerma Cacao, isa sa mga kalahok.
Bilang bahagi ng programa sa patuloy na pagsuporta sa mga magniniyog, inaasahan pang magtataguyod ng karagdagang mga pagsasanay at programa na magpapalawak ng oportunidad sa sektor ng agrikultura sa rehiyon ang DA-ATI CALABARZON at mga katuwang na ahensya.
Ulat ni: Alfredo G. Torres, Jr. (Technical Support Staff IV / PMEU)