Mas handa na ang 90 magniniyog sa CALABARZON na bumuo at magpatatag ng kanilang negosyo sa pagniniyog matapos makumpleto ang Coconut Farm Business School (Coco FBS) sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).
Sa pangunguna ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, isinagawa ang malawakang pagtatapos sa Coco FBS ng mga magniniyog mula sa Mauban, Quezon; Kalayaan, Laguna; at Sariaya, Quezon noong Agosto 19-20, 2026, sa Ouan’s Worth Farm and Family Resort, Lucena City, Quezon.
Bilang bahagi ng pagsasanay, sumailalim ang mga kalahok sa iba’t ibang hands-on na aktibidad at benchmarking sa matatagumpay na coconut-based enterprises na naglalayong palawakin ang kanilang kaalaman sa farm business management, enterprise development, at value-adding.
Sa unang araw ng aktibidad, isinagawa ang benchmarking activity sa BTC Farm, Learning Site for Agriculture I ng DA-ATI CALABARZON, na pinangunahan ng farm owner nito na si Dr. Floro Cataniag. Nagkaroon ang mga kalahok ng pagkakataong bisitahin ang mga pasilidad at makita ang aktuwal na pagpapatakbo ng isang diversified at produktibong farm enterprise.
Sinundan ito ng pagbisita sa tatlong coconut-based enterprises na nagsilbing inspirasyon sa mga kalahok. Kabilang dito ang Capistrano Distillery (Tayabas City, Quezon) na lambanog ang pangunahing produkto; Ilayang Talim Agriculture Cooperative (Lucena City) na nakatuon sa produksyon ng buko pie; at M. Ilagan Trading (Sariaya, Quezon) na gumagawa ng charcoal briquettes.
“Dahil sa Coco FBS, nalaman namin ang mga bagay na kailangan upang maging mga entrepreneur kami. Bukod dito, naibahagi rin sa amin ang iba’t ibang programa ng mga ahensya na katuwang sa pagpapatupad ng CFIDP na maaari naming lapitan bilang mga magniniyog. Sa tulong ng FBS, sana ay maging matagumpay na mga entrepreneur din kami gaya ng mga binisita naming enterprises,” pahayag ni Maricel Gonzales, kalahok mula sa bayan ng Sariaya.
Sa pagtatapos ng programa, nagpaabot ng pagbati at suporta ang mga Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng tatlong kalahok na bayan. Hinikayat nila ang mga nagtapos na ipagpatuloy ang paggamit ng kanilang mga natutuhan upang mapabuti ang kanilang mga sakahan at kabuhayan.
Nagbigay rin ng mensahe si G. Ramonchito F. Castillo, RAgr, OIC-Division Chief I ng Philippine Coconut Authority (PCA) Quezon I bilang kinatawan ni Regional Manager III G. Bibiano C. Concibido Jr., RAgr ng PCA Region IV-A, na nagbigay ng inspirasyon sa mga magniniyog na patuloy na matuto, magpursigi, at samantalahin ang mga oportunidad para sa pag-unlad ng kanilang mga negosyo sa pagniniyog.
Binigyang-diin naman ni Bb. Sherylou C. Alfaro, RAgr, Assistant Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang kahalagahan ng pagsasabuhay ng mga natutuhan sa Coco FBS. Hinikayat niya ang mga kalahok na gamitin ang kanilang bagong kaalaman upang maging mga matagumpay na negosyante, magkaroon ng mas matatag na kabuhayan, at makamit ang mas magandang kinabukasan para sa kanilang mga pamilya.
Isinagawa ang aktibidad sa pagtutulungan ng PCA IV-A at mga lokal na pamahalaan ng Mauban, Kalayaan, at Sariaya, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng mas matatag, produktibo, at progresibong industriya ng pagniniyog sa CALABARZON.
Sa pagtatapos ng Coco FBS, dala ng 90 magniniyog hindi lamang ang mga bagong kaalaman at kasanayan, kundi maging ang inspirasyon na gawing mas produktibo ang kanilang mga sakahan at gawing mas matatag na negosyo ang pagniniyog.
Ulat ni: Alfredo G. Torres Jr., RAgr / Archie C. Linsasagin