Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas sa industriya ng kape at kakaw sa CALABARZON, sinanay sa Training on Coffee-Cacao Nursery Establishment, Management, and Accreditation ang 30 mga magsasaka mula sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon, mula Marso 16-19, 2026, sa Auspere Nature Farm, Silang, Cavite.
Layunin ng pagsasanay na mapahusay ang kaalaman at kakayahan ng mga kalahok sa wastong pagtatatag at pamamahala ng nursery, gayundin ang pagsunod sa mga pamantayan para sa accreditation.
Tinalakay rin sa programa ang iba’t ibang pamamaraan ng propagation tulad ng paggamit ng binhi, grafting, budding, at marcotting upang matiyak ang produksyon ng de-kalidad na mga kagamitan sa pagtatanim.
Bilang bahagi ng experiential learning, nagsagawa rin ng pagbisita ang mga kalahok sa isang accredited nursery. Sa aktibidad na ito, mas naunawaan nila ang aktuwal na operasyon, pamamahala, at mga pamantayang sinusunod upang mapanatili ang kalidad at pagiging akreditado ng isang nursery.
“Napakalaking bagay para sa akin na makadalo sa ganitong seminar. Malaki ang naitulong ng mga natutunan ko rito dahil nagbukas ito ng bagong oportunidad para sa akin—mula sa stressful na paperwork, napunta ako sa pagsasaka,” ani Bb. Ma. Victoria Verdaguer, kalahok mula sa Atimonan, Quezon.
Nagbigay naman ng mensahe sina Bb. Vira Elyssa Jamolin, Chief ng Career Development and Management Section; Bb. Maria Ana Balmes, Alternate HVCDP Focal Person at kinatawan ni OIC-Regional Executive Director Engr. Redelliza Gruezo ng DA-RFO CALABARZON; at Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON.
Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin nila ang kahalagahan ng paggamit ng quality planting materials bilang pundasyon sa pagpapataas ng ani at kita ng mga magsasaka, at sa pangkalahatang pagpapaunlad ng industriya ng kape at kakaw sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng ganitong mga pagsasanay, patuloy na pinagtitibay ng DA-ATI CALABARZON ang kakayahan ng mga magsasaka tungo sa mas produktibo at sustenableng agrikultura.
Ulat ni: Alfredo G. Torres Jr., RAgr (PMEU)