Iba’t Ibang Oportunidad para Kumita sa Pagniniyog, Hatid ng ‘Dagdag COCO-alaman’

Wed, 03/25/2026 - 17:34
Dagdag COCO-alaman Food

 

“Ngayong marami tayong nakuhang ideya kung paano mas makikita ang ating mga magniniyog, ang malaking responsibilidad sa atin ay nasa maayos na pagpapatupad nito sa bawat bayan. Nawa’y maging masigasig tayo at magkaroon ng inisyatiba para sa kapwa magniniyog.” Ito ang naging hamon ni Bb. Cheryl Endozo sa kanyang sarili, kapwa Agricultural Extension Workers (AEWs), at mga magsasakang kalahok sa isinagawang “Dagdag COCO-Alaman: Training of Trainers on the Production of Coconut Products and By-Products (Food)” sa Gintong Bukid Farm and Leisure, Nagcarlan, Laguna, noong Marso 16-20, 2026.

Pinangunahan ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang nasabing pagsasanay, sa pakikipagtulungan sa DA-Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A, na naglalayong palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa value addition ng mga coconut-based non-food product at mga by-product nito, gamit ang angkop na teknolohiya at pamantayan sa de-kalidad na produksyon.

Pagbabahagi pa ni Bb. Endozo, “Sa training na ito, makikita ang potensyal ng bawat bayan sa paglikha ng iba’t ibang produkto mula sa niyog. Kinakailangan lamang ng tamang gabay at tuloy-tuloy na pagsasanay para sa ating mga magniniyog.” Ito ay kaugnay ng layuning maipakalat ng mga kalahok ang mga kaalamang natutunan mula sa pagsasanay sa kani-kanilang komunidad, upang makalikha ng kabuhayan at mapataas ang kita ng mga magsasaka.

Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe ng pagsuporta si G. Bibiano C. Concibido Jr., Regional Manager III ng PCA Region IV-A, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng value addition sa paglikha ng mga oportunidad sa industriya ng pagniniyog.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, sa lahat ng naging katuwang sa matagumpay na pagsasagawa ng pagsasanay at sa mga kalahok na tunay ngang may malaking bahagi upang epektibong maisakatuparan ang mga hangarin ng pagsasanay at ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).

Inaasahang ang mga kaalamang nakuha mula sa pagsasanay ay magsisilbing pundasyon upang maging mas matatag at sustenable ang industriya ng niyog, tungo sa masaganang pamumuhay ng mga magniniyog, kanilang pamilya, at pamayanan.

 

Ulat ni: Cristine Jan F. Beler, RAgr (ISS)

 

article-seo
bad