Pinasinayaan ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang pilot batch ng Expanded Basic Agricultural Extension Course (EBAEC) sa ilalim ng Deployment and Advancement of Responsive Extension on Agriculture for Community Holistic Development (DA-REACH).
Tatlumpung agricultural extension workers (AEWs) mula sa DA-Regional Field Office CALABARZON ang sumailalim sa Phase 1 ng pagsasanay bilang paghahanda sa kanilang deployment sa iba’t ibang bayan sa rehiyon.
Layunin ng pagsasanay na ihanda ang mga kalahok sa iba’t ibang gawaing pang-ekstensyon tungo sa mas pinalakas na sektor ng agrikultura’t pangisdaan. Sa pamamagitan ito ng paghubog sa kanilang kakayahan sa mabisang komunikasyon, pagpaplano, at pagsasakatuparan at pagpapadaloy ng pagsasanay at iba pang aktibidad.
Sa unang bahagi ng pagsasanay na isinagawa mula Disyembre 1-5, binigyang-pansin sa Phase 1 ang mas malalim na pagkilala sa sarili at angking kakayahan, epektibong komunikasyon at pamamaraan sa paghahatid ng extension services, at pag-oorganisa sa mga magsasaka sa komunidad.
Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin ni Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang mahalagang papel ng mga kalahok sa paghahatid ng extension support at teknolohiya. Dagdag naman ni Engr. Redelliza Gruezo, Regional Technical Director for Operations ng DA-RFO CALABARZON, magandang maihanda ang mga kalahok sa pag-abot ng layunin ng DA-REACH para sa pagpapataas ng produktibidad ng sektor, pagpapabuti ng sistema ng lokal na pagkain, at pagbuo ng climate-resilient na mga komunidad.
Ang ikalawang bahagi naman ay ipagpapatuloy sa Pebrero 2026.
Ulat ni: Vira Elyssa L. Jamolin (Training Specialist III)