Mas pinagtibay ang kakayahan at kahandaan ng dalawampu’t walong (28) Agricultural Extension Workers (AEWs) sa CALABARZON matapos nilang matagumpay na makumpleto ang Expanded Basic Agricultural Extension Course (EBAEC)—isang pinalawak na pagsasanay na isinagawa sa dalawang yugto mula Disyembre 1–5, 2025 at Pebrero 23–Marso 26, 2026.
Idinisenyo ang EBAEC sa ilalim ng Deployment and Advancement of Responsive Extension on Agriculture for Community Holistic Development (DA-REACH) upang ihanda ang mga extension workers sa aktuwal na hamon sa komunidad. Higit pa sa teoretikal na kaalaman, binigyang-diin ng programa ang pagkatuto sa aktuwal na sitwasyon sa pamamagitan ng mga gawaing tulad ng ASAP presentations, case analysis, data gathering, at community immersion.
Sa community immersion, personal na nakipag-ugnayan ang mga kalahok sa mga magsasaka at pamayanan. Dito nila mas malalim na naunawaan ang tunay na kalagayan, pangangailangan, at hamon sa produksyon at kabuhayan sa kanayunan. Ang karanasang ito ay nagsilbing mahalagang pundasyon upang makapagdisenyo sila ng mas angkop at makabuluhang extension interventions.
Samantala, sa pamamagitan ng ASAP (Analysis, Strategy, Action, and Planning) presentations, naipamalas ng mga kalahok ang kanilang kakayahang magsuri ng sitwasyon, bumuo ng konkretong plano, at maglatag ng mga solusyong maaaring ipatupad sa kani-kanilang mga lugar. Ang prosesong ito ay nagpatibay sa kanilang critical thinking, problem-solving, at decision-making skills—mga kakayahang mahalaga sa kanilang papel bilang extension workers.
Ayon kay Dr. Rolando V. Maningas, RAgr., Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang mga AEWs ay may mahalagang tungkulin bilang tagapaghatid ng makabagong kaalaman at teknolohiya sa mga komunidad. Hinikayat niya ang mga kalahok na maging handa sa kanilang deployment at gampanan ang kanilang papel bilang tulay ng mga programang pang-agrikultura at pangisdaan.
Sa kanilang pagtatapos, nagpaabot din ng suporta at pagbati sina Bb. Antonieta J. Arceo, Deputy Director ng DA-ATI; Engr. Maria Christine C. Inting, National Director ng PAFES; at Engr. Remelyn R. Recoter, Director ng DA-ATI. Dumalo rin sina Dr. Wilmer Faylon at G. Manuel Dimalaluan bilang kinatawan ng DA-RFO IV-A, na nagpatibay sa kahalagahan ng ugnayan ng mga ahensya sa pagpapaunlad ng extension services.
Sa kabuuan, ang EBAEC ay nagsilbing higit pa sa isang pagsasanay—ito ay isang transformational learning experience na nagbigay sa mga AEW ng mas malalim na pag-unawa sa komunidad at mas malinaw na direksyon sa kanilang tungkulin bilang mga tagapaglingkod sa agrikultura.
Sa kanilang pagbabalik sa kani-kanilang mga komunidad, inaasahang mas handa at mas may kakayahan ang mga kalahok sa mga gawaing pang-ekstensyon, tungo sa mas epektibong serbisyo at mas matatag na sektor ng agrikultura sa CALABARZON.
Ulat ni: Janine L. Cailo, RAgr (ISS)