Organikong pagsasaka sa Alfonso, layong palakasin ng FFS sa produksyon ng gulay

Wed, 01/22/2025 - 17:02
farm field school.JPG

ALFONSO, Cavite — Sa loob ng tatlong buwan, masigasig na nagsanay ang 56 na mga magsasaka mula sa bayan ng Alfonso, Cavite sa “Farmer Field School (FFS) on Organic Vegetable Production Technologies.”

Layon ng nasabing FFS na isulong ang sustenable at makakalikasang pamamaraan ng pagsasaka, sa pamamagitan ng pagpapaigting sa kaalaman at kasanayan ng mga magsasaka sa organikong produksyon ng gulay gaya ng kamatis, talong, sitaw, okra, pechay, at mustasa na nakatuon sa epektibong estratehiya sa pamamahala ng mga peste sa pananim.

Sinimulan ang pagsasanay noong Setyembre 25, 2024, at nagwakas sa pamamagitan ng isang seremonya ng pagtatapos kahapon, Enero 21, 2025.

Naisakatuparan ang aktibidad dahil sa inisyatiba ng Sweet Spring Country Farm na matatagpuan sa Alfonso, at sa pagtutulungan ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, DA-Regional Field Office IV-A, Office of the Provincial Agriculturist (OPA) Cavite, at Municipal Agriculture Office ng Alfonso.

Pinamunuan ang FFS ni G. Francis Pangilinan, nagmamay-ari ng nasabing farm.

Katuwang sa pagsasagawa nito ang mga nagtapos sa “Season-long Training of Trainers on Vegetable Production, Postharvest Handling Technologies, and Marketing” ng DA-ATI CALABARZON na sina Engr. Citadel C. Ariola at Bb. Chenille Ann S. Redoña mula sa OPA Cavite, bilang mga facilitator ng gawain. Bahagi ito ng kanilang action plan bilang output sa pagsasanay na kanilang nilahukan.

Ipinaabot naman ni DA-ATI CALABARZON Center Director, Dr. Rolando V. Maningas, ang kanyang pagbati, pasasalamat, at suporta sa mga magsasaka na magsisilbi aniyang “binhi” upang mapaigting ang pagpapalaganap ng hangarin ng Alfonso na mapalawak ang organikong pagsasaka sa bayan.

Ulat ni: Engr. John M. Mendoza

 

article-seo
bad