Matagumpay na nagtapos ang limampung (50) kalahok ng Farmer Field School (FFS) on Organic-based Inland Aquaculture na isinagawa mula Mayo 27 hanggang Agosto 28, 2025. Ang naturang pagsasanay ay ipinatupad ng DA-ATI CALABARZON sa pakikipagtulungan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region IV-A, Office of the Provincial Agriculturist ng Laguna, at Municipal Agriculture Office ng Siniloan, Laguna.
Sa loob ng 16 na sesyon, pinagkalooban ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga magsasaka at mangingisda upang mapalago ang kanilang produksyon sa organikong pamamaraan ng pangingisda.
“Hinihikayat namin kayo na ipagpatuloy ang inyong natutunan bilang ambag sa mas maunlad na agrikultura at pangisdaan tungo sa matatag na ekonomiya para sa Bagong Pilipinas,” ani Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON.
Dumalo rin sa nasabing graduation ceremony sina Provincial Agriculturist Marlon P. Tobias, ang kinatawan ni Regional Director Sammy A. Malbas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region IV-A, at Municipal Agriculturist Carlo Realeza. Kaisa rin sa pagdiriwang si Kgg. Mauro Adofina, Committee Chairman ng Committee on Agriculture ng Sangguniang Bayan ng Siniloan, Laguna, na nagpahayag ng kanyang buong suporta sa patuloy na pagtataguyod ng organikong pamamaraan sa pangisdaan.